

DAHIL sa mataas na halaga ngayon ng isdang galunggong dulot ng problema sa suplay nito dahil sa closed fishing season at mataas na presyo ng mga lokal at imported na ‘GIGI’, pinayuhan ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na bumili na lamang ng manok bilang alternatibo sa halip na mag-ulam ng isda.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ang presyo ngayon ng imported na galunggong ay umaabot na sa halagang P280 hanggang P350 ang bawat kilo habang ang lokal na galunggong ay umaabot naman sa P300 hanggang P400 kada kilo.
At habang hindi pa rin nagbabago o bumababa ang presyo ng nabanggit na isda ay maari umanong gawing pamalit ng mga mamimili sa palengke ang dressed chicken.
Sinabi pa ni Tiu na konti lamang umano ang pumapasok na galunggong ngayon dahil walang mabili sa sources kaya talagang nananatili na mataas ang presyo nito.
Wala talagang supply eh, limited talaga. I’m not saying bababa ‘yan. I’m just being honest about it. Kung ganyan kamahal, magmanok na lang kayo,” wika niya.“Of course meron pa tayong mga bangus, tilapia, huwag po nating kalimutan ‘yun, sariling atin po yun.”
Ayon pa sa DA, posibleng mas bumaba na rin ang presyo ng galunggong kapag nakarating na sa bansa ang mga inimporta na sinasabing naabala o naantala ang pagdating dulot ng masamang panahon.
