



Tanggap na umano ni FPRRD kung anuman ang kahinatnan niya sa loob ng selda ng ICC at sa kahahantungan ng mga kasong kinakaharap niya sa banyagang korte.
Tulad ng sinabi ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na punong tagapagtanggol ni FPRRD sa katatapos lamang na pagdinig sa confirmation of charges sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, lehitimo at naaayon sa batas ang mga naging aksyon ng mga awtoridad at tagapagpatupad ng batas alinsunod sa idinesenyong war on drugs ng dating pangulo ng Pilipinas.
Isa sa mga sinagot ni Kaufman ay ang tungkol sa listahan umano ng high value targets sa drug war ni dating pangulong Duterte.
Ayon kay Kaufman, bukod sa pagtalima sa kanilang tungkulin bilang mga alagad ng batas na may kapangyarihan upang magpatupad nito, ang lahat ng mga isinagawang operasyon ay may kaukulang mga dokumento tulad ng warrant of arrest, mga tala ng isinagawang operasyon at gayundin ang mga nakalap na ebidensiya sa mga naaaresto at napatay na mga suspek sa kanilang kampanya kontra droga noong panahon ni Duterte.
At tulad ng utos ni Duterte alinsunod sa rules of engagement, karapatan umano ng mga pulis na ipagtanggol ang kanilang mga sarili kapag nalagay sa peligro ang kanilang mga buhay sa oras na ang mga suspek na kanilang inaaresto ay lumaban at nagsimula ng marahas na aksyon sa oras ng isinagawang operasyon.
At maliwanag din na walang iniutos o sinusunod na utos mula sa kanilang mga superior o maging galing kay Duterte na pumatay o patayin ng walang laban ang sinumang maaaresto na may kaugnayan sa iligal na droga.
Binigyang diin din ng abogado ni FPRRD na ang tungkol sa pagtatanim ng ebidensya tulad ng sinasabing paglalagay ng baril at droga sa mga biktima sa mga operasyon laban sa droga ay masyadong makitid o mahina na basehan lalo na’t kung hindi naman ito direktang nasaksihan ng sinoman at katunayan ay isa sa mga testigo ang umamin na hindi niya nakita o direktang nasaksihan ang tungkol sa pagtatanim ng baril.
May mga insidente din umano na buhay ang mga naaaresto at kung mayroon mang namatay sa mga operasyon ay mayroong mga bakas ng pulbura sa mga kamay ng nasawi na tumutugma sa isinagawang forensic investigation na nagkaroon ng pagpapalitan ng putok.
Wala rin umanong puwang sa korte ang mga drama at mga naratibong kapos sa makapagpapatunay na ebidensiya dahil ang husgado ay nakabase sa bigat ng mga ipinepresentang ebidensiya.
Sa kabuuan, sa loob ng apat na araw na isinagawang confirmation of charges ay malinaw na naiparating ng defense team ni FPRRD ang kanilang mga nais na bigyang linaw kaugnay sa mga bintang na kinakaharap ng kanilang kliyente.
Sa panig naman ng prosekusyon, sa kanyang closing statement sa huling araw ng confirmation hearing ni Duterte ay sinabi ni senior trial lawyer Julian Nicholls na batay sa naging presentasyon umano ni Kaufman sa nakalipas na dalawang araw ay nagpapatunay lamang ito na nararapat lamang na ang kaso ay dapat na maituloy sa trial.
” What my friend did today, going through these incidents, trying to pick them apart, that sounded like a closing argument after a trial,” wika niya.
“The types of issues he raised today and yesterday, in this incident, the first witness says X, the second witness says Y. That’s what gets sorted out at trial. The witness that supports our charge is enough for the confirmation of the charges.”
Ayon pa kay Nicholls, ang argumento ng depensa na “neutralization” sa drug campaign ay nangangahulugan lamang ng pagsupil sa mga suspek na ang intensyon ay pumatay.
“Whether we are able to prove it beyond reasonable doubt is another issue. Whether we’re at substantial grounds is clear, we are,” dagdag pa niya.
Ito ang naging sagot niya sa mga naging paliwanag ni Kaufman noong Huwebes kung saan sinabi nito na si Duterte ay walang naging direktang pagkakaugnay bilang co-perpetrator dahil bigo ang prosekusyon na ma-establish ito
Ilan sa mga pangunahing dahilan ng pagsasampa ng reklamo laban sa dating pangulo ng crimes against humanity of murder at attempted murder na may kaugnayan sa illegal drugs campaign sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng Pilipinas ay ang diumano’y mga patayan sa lungsod ng Davao na may kaugnayan sa tinatawag na Davao Death Squad at mga patayan naman na naganap sa panahon ng kanyang termino bilang pangulo.
Dahil dito ay binigyang-diin ni Nicholls na nararapat lamang na manatili sa kanyang selda si Duterte kaugnay sa kanyang kinakaharap na kaso.
Ang confirmation of charges hearing ay hindi isang trial kundi upang mapatunayan lamang kung may sapat na mga ebidensya laban kay Duterte tungkol sa isinasampang reklamo ng prosekusyon ng ICC.
Animnapung araw matapos ang naturang hearing ay maglalabas ang ICC-Pre-Trial Chamber ng desisyon kung kinukumpirma nito ang ilan o lahat ng mga isinampang reklamo o hindi.
Samantala, sa kabila ng malungkot na kalagayan at hindi katanggap-tanggap na naging kapalaran ni FPRRD sa huling mga bahagi ng kanyang buhay bilang pulitiko ay buong puso umano nitong tinatanggap ang posibilidad na sa selda na ng ICC matatapos ang kanyang buhay.
Ayon kay Kaufman, wala na rin umanong interes ang matandang Duterte sa kanyang kinakaharap na kaso at sinabi na lamang nito sa kanya na gawin na lamang ng abogado ang kanyang trabaho dahil natapos na niya ang kanyang tungkulin sa bayan.

