Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang magsisilbing abogado ni Vice President Sara Duterte sa mga impeachment case na isasampa laban sa kanya.
Ayon kay VP Sara, boluntaryong inalok ng kanyang ama ang serbisyo bilang legal counsel para sa mga kinakaharap niyang kaso, kabilang ang mga impeachment complaint. Ibinahagi ng Bise Presidente na nabanggit ito ng dating Pangulo sa kanila noong Noche Buena.
Sa kasalukuyan, nahaharap si VP Sara sa tatlong impeachment complaints na isinampa ng Catholic priests, religious groups, at ilang mga abogado. Ayon sa Bise, ang alok ng kanyang ama na maging abogado ay kasunod ng kanyang pagtanggi sa anumang suportang pinansyal mula dito.
Sa Noche Buena, sinabi ni VP Sara na nagpakita ng pag-aalala ang kanyang ama at nagtanong ukol sa kalagayan ng kanyang impeachment. Dahil sa kanyang pagtanggi sa pinansyal na tulong, nag-alok si dating Pangulong Duterte na siya na lamang ang hahawak sa mga kaso ng anak. “Since hindi ko tatanggapin ‘yung pera, mag-lawyer siya para sa akin. So sinabi niya, he will be a collaborating counsel for all cases,” ayon kay VP Sara.
Dagdag pa ng Bise Presidente, kasalukuyang pinag-aaralan na ng dating Pangulo at ng kanyang legal team ang mga kaso sa Integrated Bar of the Philippines (IBP). Sinabi rin niyang hinihintay pa nila ang articles of impeachment mula sa House of Representatives.
Ani VP Sara, nagkaroon na rin sila ng inventory ng mga kasong nakalap mula sa media at mga ahensya ng gobyerno tulad ng House of Representatives, Department of Justice, NBI, at PNP. Bawat kaso ay may itinalagang abogado upang humawak nito. Iginiit din ni VP Sara na wala siyang nilabag na batas.