BILANG paghahanda sa papalapit na selebrasyon ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2025 sa Quiapo, Maynila ay binago ang disenyo ng andas na kinalululanan ng Black Nazarene upang higit itong maging maganda, matibay at para maiwasan na maluksuhan at masiksik ng mga deboto tuwing Traslacion.
Sa halip na dating nakalantad lamang ang imahe ng Itim na Nazareno tuwing oras ng prusisyon habang inililibot ito ay ilalagak na ito sa kulong na tempered glass na may bubong at mga ilaw.
Ayon kay Fiesta Adviser Alex Irasga, nagkaroon umano ng malaking pagbabago sa disenyo ng andas upang mas maging maayos at ligtas kumpara sa mga nakalipas na pagdaraos ng traslacion..
“Nagkaroon po tayo ng major innovation sa ating disenyo ng andas,” said Irasga. “Ito po ay isang work in progress na isinagawa po natin,” wika ni Irasca. “Ang lahat naman po ng ito ay sa hangarin natin na mas makita ang ating mahal na Hesus Nazareno ng milyon-milyon nating mga kapwa deboto, sa halip po na ang mga deboto ang nakikita.”
Ang taunang Traslacion ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsisimula sa pag-angat sa imahe mula sa Quirino Grandstand at ililibot patungo sa simbahan ng Quiapo.
“Pinakikiusapan po ang lahat na huwag nang sumampa sa andas upang higit na makita ang imahen ng Hesus Nazareno ng higit na nakararami nating kapatid na kapwa deboto. Nawa ay paraanin at iwasan na salubungin ang lubid at andas. Maari pa rin tayong magpahid ng panyo sa mga itinalagang Hijos sa andas para maipahid ,” dagdag pa ni Irasga.
Ang Traslacion ngayong taong 2025 ay daraan sa dati niyang ruta na maglalagos sa tatlong plaza, mga parke, 18 national at city roads, anim na tulay at isang underpass.