
BALIGTARIN ang naging desisyon ng Pre Trial Chamber noong Oktubre 23, 2025 na pagbasura sa hirit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi sakop ng International Criminal Court o ICC ang tungkol sa kasalukuyang kasong kinakaharap doon ni FPRRD.
Ito ang naging apela ng panig ng dating pangulo sa pangunguna ng kanyang lead counsel na si Nicolas Kauffman at associate counsel DR Dov Jacobs dahil wala umanong legal na karapatan at wala ring sapat na basehan ang ICC upang litisin ang kanilang kliyente dahil sa kawalan ng hurisdiksyon sa kaso nito.
Sa apat na pahinang notice of appeal na may petsang October 28, 2025 ay iginiit ng kampo ng dating pangulo sa Appeals Chamber na baligtarin nito ang kanilang naging desisyon dahil sa kawalan ng legal na basehan upang ipagpatuloy pa ang pagdinig sa kaso laban dito.
Kasunod nito ay hiniling din nila ang agaran at unconditional na pagpapalaya sa nakapiit na dating pangulo ng Pilipinas.
Si dating Pangulong Duterte ay dinakip noong buwan ng Marso ng taong ito dahil sa umano’y naging madugong kampanya nito kontra sa iligal na droga na naging sanhi upang siya’y ilipad patungong The Hague Netherlands para doon harapin ang paglitis sa kanya sa kasong crime against humanity na isinampa laban sa kanya.
