
SINIMULAN na ngayong araw ang pagpapatupad ng paninita sa mga e-trikes o electrical tricycles sa mga main road sa Kalakhang Maynila kabilang na rito ang C-5 Road, Roxas Boulevard, Epifanio de los Santos Avenue(EDSA), Quirino Avenue papuntang Magallanes diretso sa SLEX o South Luzon Expressway.
Ang mga mahuhuli na mga driver ng e-trikes na patuloy pa ring magmamaneho ng kanilang mga sasakyan sa mga ipinagbabawal na mga lansangan ay papatawan ng kaukulang parusa tulad ng pag-impound ng kanilang sasakyan na may kasama pang multa.
Sinabi ni Land Transportation (LTO) Chief Asst. Secretary Markus Lacanilao na ginawa ang naturang kautusan upang maiwas sa posibleng aksidente ang mga nagmamaneho ng e-trikes sa mga lansangan na may mabibilis na mga sasakyan.
Maaga namang pumosisyon ang mga ipinakalat na enforcers sa mga pangunahing lansangan na nabanggit upang maabisuhan ang mga motorista at mabantayan ang mga susuway sa bagong kautusan at masiguro na maipatupad ito ng tama at naaayon sa batas.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes ay pagmumultahin ng halagang P2,500 ang sinumang lalabag sa regulasyon at kasunod nito ay kinakailangan na rin umanong kumuha ng kaukulang lisensya ang mga nagmamaneho ng e-trikes at kung walang maipresenta na lisensya ang mga nagmamaneho nito ay posibleng ma-impound ang kanilang mga sasakyan.
Ipinagbabawal din na dumaan sa mga pangunahing lansangan ang mga pedicabs, kuliglig at mga bike na may sidecar.
