

NAGWAKAS ang mainit na kampanya ng pinay tennis superstar na si Alexandra “Alex” Eala sa WTA 1000 Miami Open matapos siyang yumukod sa isa pang Czech Republic tennis player na si World No. 14 Karolina Muchova, 0-6 1-6 sa kanilang round of 16 match sa Miami, Florida USA.
Sa pagsisimula pa lamang ng unang set ay agad na nagpamalas ng kanyang pambihirang husay at dominasyon sa laban si Muchova kahit pa pokus at nakahanda sa kanyang depensa si Eala ay nagawa nitong agawin ang anumang pagtatangka ng pinay player upang makakuha ng puntos.
Ang unang set ay naging isang masamang panaginip para kay Eala at sa kanyang mga fans na tila magkasabay na ikinagulat ang napakahusay na performance na ipinakita ng katatapos pa lamang na Qatar Open champ na si Muchova na hinangaan sa kanyang mabibilis na pamatay na mga atake sa net at gayundin sa depensa nito.
Kahit si Eala ay aminadong napakaganda ang inilaro ni Muchova habang siya ay hindi, at ang mga sumunod ay pagpapamalas ng Czech ng kung paano siya mahusay na nakapaglaro sa kanilang laban.
“I think she played really well and I definitely did not play my best but of course, that’s also a big part because of how she played.”pahayag ni Eala sa isang panayam matapos ang kanilang laban.
Gayunman, sa kabila ng pagkatalo, muli ay naging kalmado at positibo sa kanyang pananaw si Eala at sinabi nito na normal sa isang manlalaro ang medyo ma-disappoint kapag natatalo subalit masaya umano siya sa kanyang na-achieve sa buong week ng kanyang paglalaro at sa kanyang naging performance sa tournament sa kabuuan.
