


KABALIGTARAN sa inaasahan na magiging mas mahirap para kay pinay tennis star Alexandra ” Alex ” Eala ang kanyang pakikipagtuos kay Petra Marcinko ng Croatia para sa Round of 16 match ng 2026 ASB Classic sa Auckland New Zealand, mabilis niyang pinadapa sa dalawang sets, 6-0, 6-2 kung saan ipinaramdam nito ang kanyang supremidad at dominasyon sa kanilang laban.
Ang kapwa 20-anyos na si Marcinko na kasalukayang ranked no. 82 ng WTA na bumida noong nakaraang buwan sa WTA 100 Dubai Challenge ay bigong makipagpalitan ng palo kay Eala na nagpamalas naman ng mas mabigat at matutulis na atake lalo na sa kanyang service.
Kung naging napakahirap para kay Alex ang naging bakbakan nila ng isa pang Croatian na si Donna Vekic sa unang round ng torneo,sa pagkakataong ito ay maagang ipinaramdam ni Eala ang kanyang mahabang experience at tatag sa mataas na antas ng laban sa unang set pa lamang kung saan wala siyang sinayang na pagkakataon at nagawang pigilan ang bawat pagtatangka ni Marcinko para makaiskor.
Sa second set ay bahagyang kumapit sa unang bahagi si Marchinko kung saan nagawa pa niyang makalamang sa 2-1 bago naitabla sa 2-2 ni Eala ang iskor bago tuluyang winalis ng Ranked No. 53 na si eala ang huling apat na puntos sa set at tinapos ang laban sa loob lamang ng isang oras at tatlong minuto.
Posibleng makaharap ni Eala sa quarterfinals ang sinuman kina Elissabeta Cocciaretto at Magda Linnette na nagpatalsik sa 7-time Grand Slam champion na si Venus Wiiliams sa unang round.
