

UMUSAD sa round of 16 ang pinay tennis phenom na si Alexandra “Alex” Eala matapos na magwagi sa round of 32 match matapos na magretiro ang world no. 4 na si Coco Gauff sanhi ng pananakit ng kanyang braso sa patuloy na umiinit na paluan sa BNP Paribas Open Indian Wells WTA 1000 sa California,USA.
Bagama’t naging mahigpit ang sagupaan ng dalawa sa unang limang game kung saan nagtabla ang dalawa sa 2-2 bago kumawala si Eala at kinuha ang 4 na diretsong puntos sa set upang kunin ang kanyang impresibong panalo sa unang yugto, 6-2.
Ang sumunod na set ay hindi naging komportable para kay Gauff kung saan naglaro siya na may benda ang kanang braso sanhi ng kakaibang pananakit na nagsimula pa sa unang set kung saan ay humingi siya ng panandaliang medical timeout.
Ang paulit-ulit na double fault ni Gauff at ang kabiguan nito na makipagsabayan sa mabilis at matutulis na hataw ni Eala dulot ng kanyang kakaibang kundisyon upang sumurender na lamang at ibigay ang panalo sa pinay tennis star, 2-0 sa second set.
Si Eala at Gauff ay una nang nagkaharap sa Dubai Open kung saan ay tinalo ni Gauff sa straight sets ang pinay.
