


Sa larangan ng puting tabing, nakilala si Elora Espano sa paggawa ng indie films. Nagbida siya sa Cinemalaya movie “Baconaua” ni Joseph Israel Laban noong 2017. Ilan pa sa mga nagawa niya sa nasabing independent film festival ay ang mga pelikulang “Tuos” (2016), “Mamang” (2018), “Iska”(2019), “Kaluskos” (2022) at “An Errand” 2024. Taong 2022 naman nang ma-nominate siya bilang best actress sa Urian para sa pelikulang “Love and Pain in Between Refrains” ni Jay Altarejos. Nagwagi rin siya bilang best supporting actress sa 25th Gawad Pasado noong 2023 para sa dark sociodrama film na “Walker.”
Last year naman ay nanalo siya bilang best supporting actress sa 2024 Sinag Maynila Film Festival sa kanyang pagganap bilang caregiver ng isang matandang may dementia sa family drama na “Her Locket.” Sa teatro nman ay nagsimula siya sa Dulaang UP kung saan nabigyan siya ng break ni Tony Mabesa sa stage play na “Forsaken House.” Naging understudy din siya noon at ginawa ang mga dulang “Swinger”, “The Seagull” at iba pa. Noong nakaraang taon naman ay nagbalik siya sa teatro via Tag-Ani Performing Arts Society “Spirit of the Glass” na idinirhe ni Joel Lamangan.
Ilan pa sa mga dulang pang-entablado na nagawa niya ay ang “Pagkapit sa Hangin” na naging tampok sa Virgin Labfest 19. Kasama rin siya sa “Pumpon ng mga Gunita”( Bouquet of Reminiscences) na nagkaroon ng kickoff site presentation sa Frankfurt Buchmesse (Frankfurt Book fair) kung saan ginampanan niya ang papel nina Trinidad Rizal at Salome. Ngayong taon naman, bilang pambuwena mano ay muling magpapakitang-gilas si Elora sa Bulwagang Gantimpala award-winning play na “Anino sa Likod ng Buwan” na isinulat ng multi-awarded writer-director na si Jun Lana.
Ayon kay Elora, isa siya sa mga nag-audition para sa role ni Emma na ginampanan ni LJ Reyes sa movie version ni Lana noong 2015 kung saan nanalo ito ng best actress sa Urian. Pero noong una raw ay na-reject siya sa nasabing role na napunta sa isa pang kilalang stage actress. Katunayan, naiyak daw siya dahil pangarap daw talaga niyang magampanan ang nabanggit na role na nagbigay ng karangalan kay LJ. “Na-hurt talaga ako dahil gustong-gusto iyong materyal. Maganda ang pagkakasulat niya at gusto ko rin yung subject matter niya,” bungad niya. “Kaya nanghinayang ako, pero nag-novena ako kay St Claire sa Katipunan. Nagpasalamat ako sa mga work at successes at nag-pray din ako kay Lord na i-redirect ako sa mga proyekto na aligned sa paniniwala ko pati na sa mga taong nagpapahalaga at sumusuporta sa akin,”saad niya.
Blessing in disguise raw naman nang makatanggap siya ng tawag sa prolific director na may-akda ng obra na nagbigay sa kanya ng ‘good news.’ Iyong role raw kung siya na-reject ay sa kanya na itinoka eventually. “Noong nasa Germany ako for Frankfurt Buchmesse, biglang tumawag sa akin si Direk Jun, asking for my sked and kung willing kong gawin si Emma. Sabi ko agad agad na “yes”. But they didn’t elaborate na what happened doon sa first choice. They just said na due to some personal issues,” paliwanag niya. Kahit second choice lang daw siya ay sobrang natuwa siya. May natutunan din daw siya sa kanyang naging karanasan. “It pays to be patient and persevering. Minsan iyong mga ninanais natin ay nangyayari sa tamang panahon,”sey niya. Marami rin daw siyang natuklasan at patuloy na natutuklasan habang ipino-portray niya ang nasabing role. “Habang ginagawa ko si Emma, mas lumalalim iyong pag-unawa ko sa struggles ng maralita. Kung paano ba naapektuhan ng giyera at karahasan ang isang tao. Kung paano ba umaabot sa dahas ang isang tao. Marami pang dapat tanungin kung bakit ba ito nangyayari at gusto kong maramdaman din ng audience kahit paglabas nila ng tanghalan,” bulalas niya. Bilang aktres, aware rin daw siya na maraming mapangahas at maseselang eksena sa dula pero buo raw ang loob niya nang tanggapin niya ang papel na iniatang sa kanya. “Hindi naman ako nahirapan kasi my co-actors are collaborative, respectful and open to communicating. Masaya iyong naging proseso. We’re also respectful of our boundaries,” esplika niya. Sey pa niya, hindi rin din siya napre-pressure na posibleng maikumpara siya kay LJ Reyes. “No pressure at all. Iba namang medium ito. Magkaiba naman kami ng atake,”pagtatapos niya. Tampok din sa” Anino Sa Likod Ng Buwan” sina Martin del Rosario at Ross Pesigan. Kasama naman bilang understudy sina Edward Benosa, Denise Esteban at Vincent Pajara. Mula sa produksyon ng IdeaFirst Live at sa direksyon ni Tuxqs Rutaquio, mapapanood na ang acclaimed play sa PETA Theater Center mula Marso 1 hanggang 23. Ang film version ng “Anino sa Likod ng Buwan” ay nagbigay kay LJ Reyes ng kanyang Urian Best actress award noong 2016. Nagwagi rin ito ng best director award para kay Jun Robles Lana, best actress kay Reyes, NETPAC at Fipresci awards sa Pacific Meridian International Awards sa Russia noong 2015.
