
ANG pulitika tulad ng sinasabi noon pa ng mga matatanda natin na kung ang nais mo ay tahimik at maayos na uri ng pamumuhay…layuan natin hangga’t maari ang pulitika dahil ang sinisira niyan ay pamilya, relasyon, katwiran, isipan at pati na ang kaluluwa at buong pagkatao ng kahit na sinong pinakamabuting mamamayan.
Kaya kung gusto mo ay maayos, tahimik at disenteng pamumuhay ay layuan mo ang demonyong pulitika na yan.
Sa pulitika kasi patapangan diyan ng apog at sikmura.
Tapang hindi lang para sa karahasan kundi pati na rin sa kung paano ka makikitungo at makikisalamuha sa kakampi mo o kalaban sa pulitika.
At mas matindi kaysa sa lupit ng karahasan ang pamamaraan kung paano ka makikibagay at magiging mistulang ”patay na buhay’ habang ikaw ay nakasalang sa halalan dahil diyan ay puwede mong maging kakampi kahit na ang taong lagpas tao ang iyong galit.
In short, ang pulitika ay pugad ng kawalanghiyaan.
Ngayong nagsisimula na ang pag-arangkada ng kampanyahan para sa national elections ay makikita mo ang iba’t ibang mukha ng kawalanghiyaan ng pulitika.
Diyan ay makakakita tayo ng iba’t ibang uri ng style, taktika at diskarte para lamang makasilo ng boto ang mga tumatakbong kandidato.
Wala silang pakialam kung sino ang masasagasaan basta ang importante ay kasali lagi sila sa grupo ng mga kandidatong puwedeng makakuha ng boto sa iba’t ibang lugar.
At habang tumatagal ay lalo pang sumasama kaysa dati ang istilo ng pangangampanya nila.
Ngayon ay hindi ba ninyo napapansin na ang mga tumatakbo na magkakalaban bilang senador at mga kinatawan ay dating magkakakampi sa iisang binuong partido noong nakalipas na halalan…ang UNITEAM!
Ang uniteam na hindi pa man nagsisimula ang kampanyahan ay matunog na matunog nang magwawagi ng walang pasubali.
At nangyari na nga.
Sila ang nakakuha ng mataas na boto at nagsiupo sa matataas na posisyon sa ating pamahalaan.
At ano ang ginawa nila pagkatapos nilang manalo?
Si President BBM at VP Sara Duterte ay inaasahan noon ng nakakaraming pilipino na nagsasabing ang tambalang ito ang posibleng magpapaunlad at mag-aangat sa bansa upang siya’y makaahon sa kahirapan at dugyot na kalagayan.
Pero ano ang nangyari isang taon pagkatapos nilang maupo sa kanilang mga puwesto…ang kanilang samahan at pagiging mabuti sa isa’t isa ay kinain ng hayup na pulitika.
Mabait ang pangulo at si VP Sara pero kung sisipatin natin ngayon ang kanilang kalagayan ay masasabi natin na para silang mga scarecrow na nakatayo sa gitna ng palayan habang pinaiikutan ng mga ibon na gutum na gutom at ang target ay ang palay na kanilang binabantayan.
Ngayon ay kabi-kabila ang isyu.
Mga isyu na sumesentro sa paglalaban ng dalawang grupo na galing sa dating iisang grupo.
Ang dating mga katunggali ay wala na.
Ang mga dati nilang kalaban ay naging mistulang istokwa na kung saan saang grupo na nabuo napadpad at ngayon ay ang dating magkakakampi na ang magkakalaban.
At malupit ang labanan ngayon…patibayan ng dibdib at sikmura ang kapanalig ng mga pinuno ng magkabilang grupo.
Gagawin ang lahat para lamang makalamang ang kanilang partido sa anumang paraan.
At sa gitna ng labanan ay ang mga kawawang mamamayang pinoy na naman ang nakakaramdam ng hagupit ng kahirapan.
At ang inaasahang ginhawa ay naging isang napakalaking bangungot na ngayon dahil ang kanilang mga pinaglalabanan ay nakarating na sa pinakamataas na hukuman.
HUKUMAN…ang natitirang inaasahan ng mga pinoy sa kasalukuyan dahil dinala na sa kanilang bakuran ang laban…sana’y ang hatol nila’y sa mamamayan pumabor upang kahit paano ay maalala sa darating na panahon sa ating kasaysayan na sa Pilipinas ay may isang panahon na may piring ang katarungan para sa pantay na pagtimbang.
Kung sino ang mga tunay na magnanakaw…kung sino ang mga tunay na buktot ang gawain at kung sino ang mga tunay na EPALITIKO!
Nakakadiri ang pulitika sa Pilipinas ngayon!
Sana’y may mapili pa tayong pulitiko na mas matino sa masama.