PARUSANG kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril o firing squad ang magiging wakas ng mga opisyal at pinuno ng pamahalaan na mapapatunayan ng Sandiganbayan na guilty sa kasong korupsyon, plunder,at malversation of public funds sakali at maisabatas ang panukalang inihain ni Zamboanga City 1st District Representative Khymer Adan Olaso.
Ang panukalang batas na napakatagal nang panahon na inaasam ng bawat mamamayang pilipino na posibleng maging sagot sa napakalalang problema ng graft and corruption sa ating bansa na tinatampukan ng garapalang pangungulimbat ng mga sukab at suwapang sa kapangyarihan at salapi na mga pulitiko ay sinasabing pakaaabangan ng lahat kung maipapasa ba o hindi.
Sa panukalang batas na ito ni Rep. Olaso, ang House Bill 11211 o ang Death Penalty for Corruption Act ay kasama ang lahat ng opisyal ng pamahalaan mula sa Pangulo hanggang sa mga pinakamababang lingkod bayan, mga iba pang nasa Hudikatura, Lehislatura, Ehekutibo, GOCC’s mga miyembro ng kapulisan o PNP at Armed Forces of The Philippines at iba pa na tatanggap ng ipinanukalang kaparusahan na Death Penalty sakaling mapatunayan na sila ay nagkasala.
Gayunman ay nakasaad nang malinaw sa panukala na sisiguruhin na dadaan sa due process ang mga ihahaing kaso laban sa mga pinaghihinalaang tiwaling opisyal ng pamahalaan at makakamit niya ang tamang karapatan upang ipagtanggol ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan at pahihintulutan din na maiakyat sa korte ang kaso upang ito ay marepaso.
Layunin umano ng bill na ito na mapanagot at maparusuhan ang mga iresponsable, corrupt, at mga walang takot sa paglustay ng pondo ng bayan na mga opisyal ng pamahalaan at paggamit ng kanilang kapangyarihan upang magkamal ng salapi.