
WINALIS ang lahat ng nakahilerang katunggali sa Pool B at ang Gilas 3×3 men’s basketball team ay lalo pang tumibay sa kanilang pag-usad sa semis matapos na ilampaso nila sa kanilang ikatlong asignatura ang Laos, 21-10 upang panatilihin ang malinis na kartadang 3-0 sa pagpapatuloy ngayon ng kanilang kampanya sa 33rd Southeast Asian Games sa Nimbutir Stadium sa Bangkok, Thailand.
Makaraang maisahan ang koponan ng Vietnam sa kanilang unang laro, 21-15, at matakasan ang ga-hiblang panalo sa Malaysia, 21-19, hindi naman pinaporma ng Gilas ang team ng Laos na sinimulang sagasaan ng higanteng si Ange Kouame ang mahinang depensa ng Laos katuwang sina Joseph Sedurifa, John Rey Pasaol at Joseph Eriobu.
Matapos na maunahan ng anim na puntos na kalamangan, 8-2 ay nagawa pang muling makahabol ng Laos subalit ang huling pinakamalapit na kanilang nagawa ay pang pagdikit sa tatlong puntos na agwat, 12-9 bago tuluyan na silang iniwan at dinurog hanggang sa pagtatapos ng laban.
Dahil nanguna sa Pool B ang Gilas, makakaharap nila sa semis ang koponan na malalagay sa ikalawang puwesto sa Pool A na posibleng ibabatay sa kalalabasan ng laro sa pagitan ng Indonesia at Singapore.
