
ILANG araw nang kumakalat sa social media ang picture nina re-elected Bulacan Governor Daniel Fernando, 63 at Kapamilya actress Kim Rodriguez, 30 kung saan ang aktres at model ay may hawak na bulaklak, habang sa gawing likuran nila ay may bagong kotse na may ribbon pa, na kung titingnan ay parang regalo ng isang lalake sa kanyang nililigawan o karelasyon.
Sa kanyang social media account ay pinaulanan si Kim ng mga netizens ng kung ano-anong komento, na para bang sa kantiyaw nila, ang Kapamilya star ay wais na dalaga, dahil sa diumano’y pagpatol nito sa mabait na public servant na malayo ang agwat ng edad sa kanya.
Halatang may kakaibang motibo ang nagpapakalat ngayon ng mga letrato nina Gov. Daniel at Kim, at ang aktor na pulitiko ay hindi na nagugulat, sa halip ay ipinagkikibit-balikat niya ang nasabing kontrobersiya.
“Lumang isyu na ‘yan. Tagal na niyan, ngayon lang lumalabas? Inuulit-ulit,” sabi ni Gov. Daniel nang tawagan niya kami sa cellohone nung May 25, alas dose nang gabi.
“Paninira lang ‘yan ng aking mga kalaban sa pulitika. Kaya until now ay pilit nilang inili-link ‘yong tao na nananahimik.
“Hindi naman umepekto ‘yong paninira nila.
“Nung kampanyahan, panahon ng election ay sinimulan na nila ‘yang tungkol sa isyu na ‘yan. Tapos na ang election, ibinabalik na naman nila. Tama na ‘yan. Luma na ‘yan, eh.
“At isa pa, ‘yong babaing sinisira nila ay hindi ganyan at hindi ‘yon materyosa. May kakayahang bumili.”
Si Kim (Kim Jerami Empasis Rebadulla in real life) ay lumabas sa pelikulang “Mga Munting Lihim,” “Untitled Ruel S. Bayani Project” and “Ika-5 Utos. Naging kontrobersiyal din siya nang ma-link kay Marc Pingris, ang dating PBA star na husband ni Danica Sotto.
Napakaganda ni Kim, tulad din ng mga naunang babaing nakarelasyon ni Gov. Daniel nung aktibo pa ang kanyang showbiz career. Kaya hindi nakapagtataka kung magkarelasyon nga sila.
“Puro tsismis ‘yan na walang katotohanan. Hindi ko siya gf. Wala kaming relasyon,” tanggi ni Governor.
