Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangulo ng homeowners’ association ng Multinational Village sa Parañaque City upang magbigay-linaw sa umano’y muling pagdami ng mga Chinese nationals, dating mga POGO workers, na naninirahan sa subdivision.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kanilang hihingan ng paliwanag si Arnel Gacutan, presidente ng Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHOAI), matapos maaresto ang pitong Chinese nationals na sangkot sa catfishing, credit card scams, cryptocurrency scams, fake investment schemes, at iba pang ilegal na aktibidad.
“Ang mga Chinese nationals na ito ay bahagi ng isang malaking POGO organization. Dahil ipinatigil na ito ng Pangulo, nahati sila sa maliliit na grupo at ipinagpatuloy ang kanilang mga iligal na gawain,” paliwanag ni Santiago.
Sa mga nakalipas na buwan, 37 Chinese nationals ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Multinational Village dahil sa pagkakasangkot sa iligal na pagbebenta ng pagkain, groceries, at pagpapatakbo ng mga restoran sa lugar.