
TULUYAN nang ibinasura ng Supreme Court En banc ang mosyon ng House of Representatives (HOR) upang baligtarin ang naunang desisyon ng korte na labag umano sa Konstitusyon ang ang inihain na impeachment complaint kay Bise Presidente Sara Duterte na unang nadesisyunan noong July 25, 2025.
Sa pamamagitan ng 13-0-2 decision na nagdedeklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa bise Presidente kung saan ang lahat ng mga Huwes ay bumoto sa naging desisyon habang si Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ay nag-inhibit at si Justice Maria Filomena D. Singh ay on leave.
Nakasaad din sa naging desisyon ng korte na hindi ibig sabihin nito ay ligtas si VP Duterte sa anumang complaint laban sa kanya subali’t ang anumang reklamo o bagong impeachment complaint ay maari lamang maisampa simula sa Pebrero 6, 2026.
Ang nabanggit na kaso ay nag-ugat mula sa apat na impeachment complaints na isinampa noong nakalipas na taon laban kay Duterte.
Ang unang tatlo ay nai-file sa House of Representatives ng private individuals at iba’t ibang mga grupo noong Disyembre 2,4, at 19 , 2024 habang ang huli at ikaapat na impeachment complaint ay ang naaprubahan ng mahigit na one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng 19th Congress noong Pebrero 5, 2025 at ang naipasa bilang Articles of Impeachment sa Senado sa katulad na petsa.
Nakasaad sa naging desisyon ng korte na ang 19th Congress ay hindi umaksyon sa unang tatlong endorsed complaints at maituturing na terminated o dismissed ito sabay sa adjournment ng Kamara.
At dahil dito, pinagtibay ng Korte Suprema na ang ikaapat na impeachment complaint na isinumite sa Senado noong February 5, 2025 ay hindi na pinahihintulutan sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng Constitution.
“[T]he three impeachment complaints were archived and therefore deemed terminated or dismissed on February 5, 2025. Therefore, no new impeachment complaint, if any, may be commenced earlier than February 6, 2026,”.
Under Article XI, Section 3(5) of the Constitution, “[n]o impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within a period of one year.”
Nilinaw ng Supreme Court na mayroong dalawang magkakaibang paraan ng impeachment at ito ay ang mabilis o agad na pagsasampa ng impeachment kung nakakuha ng pirma mula sa one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan habang ang isa naman ay ay idinadaan sa proseso ng Committee on Justice.
