
Idineklara ng Malacañang na Muslim holiday ang Isra Wal Mi’raj ngayong Lunes, Enero 27.
Gayunpaman, nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ito ay hindi national holiday. Ang selebrasyong ito ay gaganapin lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang mga lugar na sakop ng Muslim Code.
“Ang mga Muslim sa ibang lugar kung saan hindi ito ipinagdiriwang bilang holiday, tulad ng NCR, ay excused mula sa trabaho,” paliwanag ni Bersamin.
Samantala, nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Linggo sa Muslim Filipino community sa paggunita ng Al Isra Wal Mi’raj.
“Hayaan nawa nating magsilbing paalala ang pag-obserba ng selebrasyong ito na ang tagumpay ay bunga ng kasipagan at pagkakaisa, at ang sakripisyo, tiyaga, at pananampalataya ang magtuturo sa atin sa layunin ng pagkakaroon ng mapayapa at maunlad na bansa para sa lahat,” ani ng Pangulo.
Inilarawan din niya ang Al Isra Wal Mi’raj, o ang “Paglalakbay at Pag-akyat sa Langit ni Propeta Muhammad,” bilang simbolo ng espirituwal na katatagan at debosyon kay Allah.