
Pinayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasan ang pagpopost ng “ATM” o “at the moment” sa social media ngayong Holiday Season upang hindi maging target ng mga akyat-bahay habang nasa bakasyon.
Sa isang press briefing, binigyang-diin ni PNP Public Information Office chief PBGen. Jean Fajardo ang kahalagahan ng pagiging maingat ngayong Kapaskuhan, lalo’t mas aktibo ang mga kriminal sa ganitong panahon.
Ayon kay Fajardo, marami ang magbabakasyon at magsasaya ngayong Pasko, kaya mahalaga na tiyaking ligtas ang tahanan, tulad ng pagkakaroon ng sapat na ilaw at CCTV.
Dagdag pa rito, nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga barangay upang magsagawa ng regular na pag-iikot sa kanilang nasasakupan para masiguro ang seguridad.
Samantala, pinaalalahanan din ni Fajardo ang mga motorista na siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe. Higit sa lahat, dapat tiyakin na may sapat na tulog at hindi nakainom upang maiwasan ang aksidente.