
Para sa lead actor ng “Graduation Day” na si Jeric Gonzales, mahalaga ang pagkakaroon ng diploma sa isang tao para siya ay umasenso sa buhay.
“Personally for me, I graduated po kasi ng Bachelor of Science in Nursing. Iyong diploma, importante po sa akin iyon,pinaghirapan ko iyon.
Siyempre iyong journey ko bilang estudyante, hindi rin naging madali para makakuha ng diploma,” aniya.
Katunayan , nakaka-relate raw siya sa kanyang karakter sa pelikulang “Graduation Day” na samu’t-saring hirap ang dinanas para matustusan ang kanyang pag-aaral para lamang makapagtapos ng kolehiyo.
“Nakaka-relate nga ako kay Simon (karakter niya)dahil sa nursing, mahal ang gastusin.Saktong-sakto lang talaga, minsan kulang pa, napagdaanan ko rin iyon, naranasan,” bulalas niya.
Gayunpaman, inirerespeto raw naman niya ang taong umasenso sa buhay dahil sa sariling pagsisikap kahit walang diploma o mataas na pinag-aralan.
“Importante sa akin ang diploma pero sa ibang hindi nakatapos at naging successful, proud moment iyon for them.But for me, this is my proud moment,” hirit niya.
Bagamat ang pinili niyang propesyon ay ang pag-aartista dahil passion niya ito,
naniniwala pa rin siyang may bentahe ang pagiging titulado.
“Iyon naman pong pag-arte, hindi po siya forever. In case po na hindi na ako active sa showbiz, at least may babalikan po ako o fallback kaya importante pa rin po ang edukasyon,” pagtatapos niya.
Speaking of his ex Rabiya Mateo, proud si Jeric dahil naka-score ng 741 sa National Medical Admission Test (NMAT), top 1% ng examinees ang dating beauty queen.
Katunayan , kinabog nito ang viral fictional character na si “Linda Walker” na nasungkit ang 719 score sa isang exam.
Kahit hiwalay na, nananatiling magkaibigan pa rin ang dalawa.
Hirit pa ng aktor, hindi rin daw niya isinasara ang posibilidad na magkabalikan sila.
Pagkatapos ng kanyang award-winning performance sa “Broken Blooms”, muling magpapakitang-gilas si Jeric sa “Graduation Day” na mula sa produksyon ng Bentria Productions ni Engr.Benjie Austria at sa direksyon ni Dante Balboa.
Palabas na pelikulang puno ng puso at aral sa mga sinehan simula sa Marso 18.
Kasama rin sa cast sina Elizabeth Oropesa, Angelie Sanoy, Aidan Veneracion, Rico Barrerra, Simon Ibarra, Krisha Francisco, Mygz Molino, Panteen Palanca at Daniela Carolino.



