



Binabantayan ng netizens ang mga Outfit of the Day o OOTD posts ni Jinkee Pacquiao dahil pawang branded at inisa-isa pa kung anu-ano ang mga ito base sa captions.
Kaliwa’t-kanan ang bashing kay Jinkee bilang asawa ng dating senador na ngayon ay muling ka-kandidato na si Manny Pacquiao at kahit may pera naman talaga ang huli mula sa kanyang pagbo-boksing ay iniisip pa rin ng ibang tao na pera ng taumbayan ang pinambili ng mamahaling gamit ng una.
Lalo na sa panahon ng pandemya na panay ang display ni Jinkee ng mga ootd niya at kung saan-saang bansa sila namimili gayung maraming naghihirap, nasabihan pang ‘insensitive’ ang mag-asawang Pacquiao.
Sa ginanap na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas mediacon, isa si Manny Pacquiao sa miyembro bilang kandidato sa pagka-senador ay natanong siya tungkol sa mga branded posts ng asawa.
“Hindi naman siya (Jinkee) naaapektuhan nu’n dahil unang-una, hindi naman namin ninakaw ‘yung pera na ipinambili, pinaghirapan naman namin ‘yun,” katwiran kaagad ng hubby ni Jinkee.
Naniniwala naman din kami na sarili nilang pera ito ng mga Pacquiao at wala naman tayong nabasang nasangkot si Manny sa corruption o nagwaldas ng pera ng bayan.
“Proud kami na sa paghihirap namin, dugo at pawis ang puhunan, eh nakabili kami ng ganu’n and maging inspirasyon sana sa mga tao na kailangan nilang magsikap para matupad ‘yung mga pangarap sa buhay,” dagdag ni Manny.
Sa line-up ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay isa si Pacquiao sa sinasabing malakas dahil nga sa taguring ‘People’s Champ’.
Ang ibang kasama ni Manny sa grupo ay sina Makati Mayor Abigail Binay, Senator Pia Cayetano, ex-Senator Panfilo Lacson, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, Senator Bong Revilla, Jr., former Senate President of the Philippines Tito Sotto, dating Senador Francis Tolentino, ACT-CIA partylist Erwin Tulfo at Las Pinas representative Camille Villar.
Kaya sinasabing malakas siya sa midterm elections, “I’m hoping na manalo ako at makabalik sa Senado at magawa ko ‘yung mga gusto kong gawin.”
Sa tanong bakit gusto pang bumalik ni Manny sa senado?
“Nandito tayo sa mundong ito, nag-e-exist tayo sa mundong ito because of a purpose, and that purpose, we should know and learn na kailangang ma-glorify ang Panginoon, makatulong tayo sa kapwa natin, magawa natin ‘yung saloobin ng Panginoon.
“Habang ako’y nabubuhay, ako’y magseserbisyo, tutulong sa abot ng aking makakaya sa sambayanang Pilipino.
“‘Yan ang commitment ko, kasi where I came from, talagang hindi ko ma-imagine kung ano ‘yung narating ko ngayon because of God’s mercy and goodness, blessings,” pahayag ni Pacman.

