



Bonggang-bongga na naman ang Reyna ng Pelikulang Pilipino—Judy Ann Santos—matapos niyang tanghaling ‘Best Actress’ sa 45th Fantasporto International Film Festival sa Portugal! Sa kanyang makapangyarihang pagganap bilang Monet sa horror film na ‘Espantaho’, muling pinatunayan ni Juday na siya ay isang hindi matitinag na pwersa sa mundo ng pag-arte.
Ang ‘Espantaho’ ay isang kwento ng misteryo at kababalaghan. Sa direksyon ng Chito S. Roño, ang ‘Espantaho’ ay isang pelikulang nakakatindig-balahibo na sumusunod sa kwento nina Monet (Judy Ann Santos) at Rosa (Lorna Tolentino)—mag-inang may lihim na relasyon sa mga lalaking may sabit. Ngunit isang trahedya ang naganap—namatay ang kalaguyo ni Rosa, at kasabay nito, isang misteryosong painting ang lumitaw sa kanilang tahanan. Dito nagsimula ang sunod-sunod na pagkawala ng mga tao sa kanilang bayan. Maitatakas kaya nila ang sumpang bumalot sa kanila?
Hindi na bago sa industriya ang husay ni Judy Ann Santos, pero sa ‘Espantaho’, ibang antas ng lalim at emosyon ang ipinakita niya. Ang kanyang karakter bilang Monet—isang babaeng biktima ng kanyang nakaraan ngunit patuloy na lumalaban—ay nagbigay ng matinding impact sa Fantasporto jury. Kaya naman hindi na nakapagtataka nang tawagin ang kanyang pangalan bilang ‘Best Actress’ sa prestihiyosong film festival.
Sa kanyang acceptance speech, buong puso niyang pinasalamatan ang mga bumuo ng pelikula:
“I would like to thank the jury of Fantasporto for the recognition. It is with great pride and honor that I’m here to represent my country, which is the Philippines. I would like to share this award with my director, Chito Roño, our writer, Chris Martinez, my producer, Attorney Joji and of course to ‘Espantaho’ team.”
Hindi rin niya nakalimutan ang mga taong patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon:
“And to my husband and to my three children. They have always been my inspiration in every project that I make.”
At syempre, hindi niya pinalampas ang pagkakataong ipahayag ang kanyang paghanga sa Portugal.
“Porto is such a beautiful city. I’m just so happy that I’ll be bringing home the best souvenir.”
Triple win ang award na ito para kay Juday! Bago pa ang panalong ito, nauna nang kinilala si Juday bilang ‘Best Actress’ sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa parehong papel. Ito ang kanyang ikatlong MMFF ‘Best Actress’ award, isang patunay na patuloy siyang namamayagpag bilang isa sa pinakamagagaling na aktres ng kanyang henerasyon. Aniya, “Everything still feels so surreal… anything can happen.”
Bukod sa tropeo, isang mahalagang marka rin sa kasaysayan ang naiambag ni Juday sa MMFF 50.
“It’s cliché to say that you became a part of MMFF 50’s history. That alone is already heartwarming.”
Tunay na hindi matitinag, hindi matutumba ang nag-iisang, Judy Ann Santos.
Sa panibagong tagumpay na ito, lalo pang pinagtibay ang pagiging haligi ni Judy Ann Santos sa industriya ng pelikula—hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Isang inspirasyon sa maraming aktor ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa sining ng pagganap.
At kung ito ang best souvenir na maiuuwi niya mula Portugal, siguradong hindi ito ang huling international recognition na makukuha niya. Padayon, Queen Juday!
We love you and huge congratulations, Judy Ann Santos, from all of us at Pinoy News Channel. We are so proud of you. Bravo!
‘Yun na!
