

SOBRANG inaabangan na ngayon sa showbiz ang dapat at magiging mga paliwanag nina Julia Barretto at Gerald Anderson tungkol sa isyu ng diumano’y kanilang hiwalayan na napapansin ngayon, dahil hindi na nga sila madalas nakikitang sweet na magkasama.
Marami siyempre ang nanghihinayang. Marami ang umasa na kung sakali ay sila na ang magkakatuluyan at ang lahat sana ay mauuwi rin sa kanilang pagpapakasal, dahil iyon na lang halos ang kulang sa ilang taon nilang iningatan at ipinaglabang relasyon.
Nagtataka ang marami, dahil halatang-halata raw ang malaking pagbabago ngayon sa relasyon nina Julia at Gerald. Dati-rati kasi ay talagang sanggang-dikit sila, na kung nasaan ang isa ay naroon din at kasama ang isa na magka-holding hands pa.
Nasanay na talaga ang publiko sa sweetness nina Julia at Gerald, na kahit hindi ipangalandakan ay alam mong nariyan lang at masayang pagmasdan. Hindi sila makuwento sa bawat ganap ng kanilang relasyon, pero masayang magkasama.
Nitong huli, nagdiwang ng kaarawan si Marjorie Barretto, na sa selebrasyon ay hindi namataan si Gerald para makisaya, samantalang dati-rati ay laging kasama ang tisoy na aktor ng pamilya ni Julia kapag may okasyon.
Sa ngayon ay parehong busy sina Julia at Gerald, ilang pelikula din ang ginagawa ng magandang aktres, habang si Gerald naman ay mayroong bagong teleserye sa Kapamilya Network kasama si Jessy Mendiola.
Kahit na mahilig pareho sina Julia at Gerald na umiwas sa mga intriga at kadramahang isyu sa buhay ng mga artista ay importante pa ring madinig ang panig nila. Kung sila pa rin ba o wala na talaga?

TOFFEE CALMA, PLANONG MAGING MOVIE PRODUCER
WALANG naging masamang karanasan sa showbiz si Toffee Calma sa panahon ng kanyang pagbibida noon sa mga pelikula, kaya isa sa kanyang mga plano na gustong matuloy ay ang maging movie producer na nagsimula na talaga ang mga balak bago dumating ang panahon ng pandemya noong 2020.
Kahit nag-artista si Toffee ay wala siyang masyadong kaibigan noon, basta tumutok lang siya sa kanyang trabaho sa sunud-sunod na pelikulang ibinibigay sa kanya noon.
Sabi nga ni Toffee: “Ang talent manager ko noon, si Direk Joey Gosiengfiao. Sipagan ko lang daw muna habang maraming trabaho. Ginawa ko naman, puro trabaho, masaya dahil kumikita. Kaya nag-enjoy naman ako sa career ko. Nakikita ko, magandang business ang pelikula, ang showbiz. Magandang pag-aralan ang pasikut-sikot.”
Bago pumanaw si Direk Joey, dahil may kaalaman si Direk na kanang-kamay dati ni yumaong Mother Lily Monteverde sa Regal Films ay pinayuhan nito si Toffee na pag-aralang mabuti ang mga sistema kung gustong maging movie producer.
“Huwag daw padalos-dalos ng desisyon kasi, hindi ganu’n ka-dali magprodyus ng pelikula,” banggit ni Toffee.
“Kaya maraming pag-iisip din ang ginawa ko noon. May mga tinatanong na akong mga tao.
“Habang may iba akong work sa labas ng showbiz, ay may mga ginagawang plano. Meeting-meeting din ng mga kakilala ko na gusto rin i-try mag-produce.
“Kaso, biglang nag-lockdown. Bulilyaso muna ang mga plano. Kaya ang naipon ko, ibinili ko ng mga properties. Doon muna.
“Mayroon akong nabili sa Tagaytagay, mga lupain. Mayroon din sa Tanay. Patatayuan ko ng Resort.”
Ipinagpapauna ni Toffee na kung magpoprodyus siya ng pelikula ay hindi iyon para muli siyang maging bida. “Susubukan lang, kasi mahal ko rin ang showbiz. Kahit hindi ako kasali sa movie. Basta, pinag-aaralan pang mabuti. Kasi mahirap na, lalo na daw ngayon na hindi pa rin masyadong bumabalik ang mga tao para manood ng sine,” banggit pa niya.
