![](https://pinoynewschannel.com/wp-content/uploads/2025/01/474473918_1025899946220369_6881845653337167252_n.jpg)
NAGULANTANG ang mga motorista sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) viaduct noong Martes ng gabi nang makita ang dalawang kabaong na nakahambalang sa kalsada.
Ayon kay Noel Luartes, isang motorista na nakasaksi sa insidente, ilang metro lamang ang layo nila mula sa Pulilan Exit habang pauwi mula Pampanga patungong Pulilan nang makita ang mga kabaong sa expressway.
“Nagbe-brake na ang mga sasakyan, kaya nagtaka kami. Sabi ng anak ko, ‘May nalaglag, Daddy, mukhang may nalaglag.’ Pagdating namin doon, nakita namin ang dalawang ataol sa kalsada. Vinideohan na ito ng anak ko,” kwento ni Luartes.
Napag-alamang ang mga kabaong ay nahulog mula sa isang closed van na galing Pampanga at papunta sanang Marikina para sa delivery.
Isa sa mga kabaong ay tumama pa sa bumper ng isang SUV na nasa likod ng closed van.
Agad namang humingi ng tulong ang driver ng SUV sa NLEX hotline upang marespondehan ang insidente.