
Nagpasa si Senior Citizens Party-List Rep. Rodolfo Ordanes ng isang resolusyon upang imbestigahan ang hindi wastong pagpapatupad ng senior citizen at persons with disabilities (PWD) discounts ng Grab at iba pang ride-hailing at food delivery companies.
Sa kanyang House Resolution No. 2134, binigyang-diin ni Ordanes ang pangangailangang suriin ang mga alegasyong ipinapasa umano ng Grab at iba pang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) sa kanilang mga driver ang 20 porsiyentong diskwento para sa senior citizens at PWDs.
Ayon kay Ordanes, ang naturang gawain ay malinaw na paglabag sa mga patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa pagdinig ng Committee on Public Services, inamin ni Gregorio Ramon Tingson, Head of Public Affairs ng Grab, na ang kanilang mga driver ang pumapasan sa 20% diskwento para sa mga PWD, senior citizens, at estudyante. “Alinsunod po kasi sa batas, ang driver po,” ani Tingson, na tumutukoy sa Memorandum Circular 2018-004 na inilabas ng LTFRB.
Subalit, binigyang-linaw ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz na dapat sagutin ng Transportation Network Companies (TNCs) ang 20 porsiyentong diskwento, alinsunod sa mga probisyong nakasaad sa kanilang prangkisa.
Dagdag pa ni Guadiz, magsasagawa ang LTFRB ng masusing imbestigasyon sa pamamagitan ng pangangalap ng pahayag mula sa mga Grab driver at paliwanag mula sa Grab hinggil sa naturang isyu. Kung mapapatunayang may paglabag, posible umanong kanselahin ang prangkisa ng Grab.