
PANGUNGUNAHAN na ng Tri-committee ng Kamara ang imbestigasyon upang tukuyin ang mga nasa likod ng laganap na pagpapakalat ng fake news, na itinuturing na isang malaking panlilinlang sa publiko.
Isasagawa ngayon ang executive briefing ng pinagsanib na mga komite—Committees on Public Order, Public Information, at Information and Communications Technology (ICT)—sa pangunguna ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez. “Ang mga Pilipino ay may karapatang malaman ang katotohanan. Kailangan nating protektahan ang ating mga kababayan laban sa maling impormasyon na nagdudulot ng takot, kalituhan, at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” ani Fernandez.
Binanggit din ni Fernandez na dapat managot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon para sa pansariling o politikal na interes. “Ang fake news ay isang lason na sumisira sa ating demokrasya. Hindi tayo titigil hangga’t mapanagot ang mga nasa likod nito at matiyak na protektado ang ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Tatalakayin sa imbestigasyon ang transparency ng mga social media platforms sa pagtukoy at pagtanggal ng maling impormasyon, mga hakbang para sa pananagutan ng mga paulit-ulit na lumalabag, kabilang ang iresponsableng vloggers at influencers, pati na rin ang mas malawak na epekto ng disimpormasyon sa pambansang seguridad, lalo na sa isyu ng hidwaan sa West Philippine Sea.
Inimbitahan ang mga pangunahing social media platforms upang ipaliwanag ang kanilang mga polisiya at aksyon laban sa fake news, cyberbullying, at mapanirang content. Ayon kay Fernandez, bahagi rin ng imbestigasyon ang pagtukoy sa mga butas sa kasalukuyang batas upang mas epektibong matugunan ang mga isyung ito.
Nanawagan din si Fernandez sa publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa mga impormasyon na makikita online. Dagdag pa rito, tututukan din sa pagdinig ang mga panganib na dulot ng fake news sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa kabataan at mga marginalized groups na karaniwang biktima ng cyberbullying at online harassment.