
WINALIS ng Alas Pilipinas ang mas pinapaborang koponan ng Kazakhstan upang pormal na makapasok sa semifinals ng torneo makaraang sikwatin ang 3-0 panalo sa kanilang elimination match ( 25-21, 25-16, 25-19 ) sa pagpapatuloy ngayong araw ng 2025 AVC Nations Cup sa Hanoi, Vietnam.
Ang Alas na pumagitna sa court na underdog ay maagang nagpamalas ng agresibong opensa na pinangunahan nina Jia De Guzman, Alyssa Solomon. Del Palomata, Angel Canino, Fifi Sharma at Bela Belen na nagresulta sa isang impresibong panalo sa unang set ng laro 25-21.
Nagpatuloy ang mga pamatay na atake nina Palomata, Sharma, Canino, Belen at Solomon sa second set at nagpamalas ng mas maigting na depensa ang Alas Pilipinas na naging susi upang makuha ang magaang na panalo 25-15 upang mamuro na lamang ng isang panalo bago tuluyan nang sinelyuhan ang laro sa Set 3, 25-19 upang kunin ang isa sa dalawang semis berth sa Pool B.
Ang Alas Pilipinas na nagwagi sa kanilang unang dalawang laro sa kanilang pool laban sa Mongolia at Indonesia ay minalas na yumukod sa koponan ng Iran sa makapigil hiningang sagupaan na umabot sa 5 sets bago muling bumangon at nagwagi sa kanilang laban sa New Zealand na hindi rin nila pinatikim ng kahit isang set na panalo.
Gayunman, naging mas matarik ang misyon na kinailangang pagdaanan ng Alas ni coach Jorge De Brito dahil kahit pa natalo ang Iran (3-1) kahapon sa Kazakhstan at nagwagi ang Alas (3-1) sa New Zealand ay mas malaki ang tsansa ng Iran na makapasok sa semis dahil ang mahinang koponan ng Mongolia ang kanilang haharapin sa kanilang huling asignatura habang ang Alas Pilipinas ay haharapin naman ang Top team na Kazakhstan (4-0).
Subali’t matapos ang panalong naitala ng Alas Pilipinas kontra Kazakhstan, nawalan ng tsansa ang koponan ng Iran na makahabol pa sa semis kahit pa maipanalo nila ang kanilang huling laban kontra Mongolia.
Dahil sa panalo ng Alas Pilipinas sa kanilang huling laro ay umusad sila sa unang puwesto kasunod ang Kazakhstan sa ikalawang puwesto at dahil dito ay nakaiwas ang Pilipinas na makaharan ang powerhouse host country na Vietnam sa semifinals.
Ang Kazakhstan ay naglaro na wala sa kanilang line up ang kanilang ace player na si Sana Anarkulova matapos na magtamo ng injury sa kanilang laro kahapon kontra Iran.
Nanguna sa Alas Pilipinas si Belen sa kanyang nagawa na 16 points habang nakatuwang niya sina Solomon na may 14 points at 13 points naman si Canino.