SANIB-PUWERSA ng dalawang malalaking religious group sa bansa ang nakatakdang maganap sa darating na January 13 sa pagsasagawa ng peace rally na pangungunahan ng Iglesia Ni Kristo na gaganapin sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos na kumpirmahin ng pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo C. Quiboloy na sila ay nakikiisa at kinikilala ang ang naging hakbang na ito ng INC na ipunin ang milyun-milyong katao kasama na ang kanilang mga miyembro at iba’t ibang grupo upang iparating ang mensahe para sa kapayapaan dito sa ating bansa.
Tulad ng INC, ang KOJC ay may katulad umano na hangarin upang bigyan ng kaliwanagan ang isipan ng mga mamamayang pilipino para sa kaayusan at katahimikan ng lahat at pangunahan ng isang makatwirang lider sa panahong ito ng mga gusot na nakakaantala sa pagsulong ng bansa.
Kasunod nito ay inanunsyo naman ng Presidential Communications Office (PCO) na suspendido umano ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at lahat ng antas ng klase sa pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila at Pasay City sa January 13, 2025 batay sa Memorandum Circular No. 76 na naglalayon na maging maayos ang pagdaraos ng peace rally na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Si Pastor Apollo C. Quiboloy ay tatakbong senador sa 2025 mid-term elections.