
ISA sa mga dahilan ng paglaban at pagpapakatatag ni Kris Aquino sa ilang taon na niyang pinagdaraanang karamdaman ay ang pagmamahal niya sa dalawa niyang anak na sina Joshua at Bimby Aquino Yap na kahit magkaiba ng ama ay magkasundo bilang magkapatid.
Si Kris bilang sumikat na TV host at nakagawa rin ng mga pelikulang naging blockbuster sa takilya noon, ay naging kahanga-hanga bilang mommy ng kanyang dalawang anak. Naging sobrang busy siya sa showbiz career, halos wala nang pahinga dahil sumikat siyang talaga dahil sa sikat nilang pamilya. Pero, sa bawat oras kahit nasaan siya at hindi kasama ang mga anak ay maya’t-maya ang tawag niya sa mga Yaya sa bahay kung kumusta na sina Joshua at Bimby?
Kaya naman may good karma si Kris ngayon bilang mommy. Napakasuwerte niya kay Bimby, dahil nagbinata ang anak nila ni James Yap na tutok ang mahaba niyang panahon sa kanyang mommy na ilang taon nang may karamdaman. Napakaresponsableng anak ni Bimby kay Kris.
Hindi naglilihim si Kris kapag maayos ang kundisyon ng kanyang karamdaman. Pero inaamin din niya, lalo na sa kanyang kaibigan sa press na si Kuya Dindo Balares ganun din kay Kuya Boy Abunda kapag may panganib sa kanyang karamdaman. Aware si Kris na ilang ulit na siyang nabiktima ng fake news na sobrang malubha na ang kanyang kundisyon. Pero mas ipinagpapasalamat niya ang maraming patuloy na nagdarasal para sa kanyang kagalingan.
SYLVIA SANCHEZ, KAHANGA-HANGA BILANG BAGONG MOVIE PRODUCER
GRABE ang kasipagan ni Sylvia Sanchez sa kanyang showbiz career, kaya hindi nakapagtataka na marami sa kanyang mga naging ambisyon noon ay isa-isang nagkakaroon ng mga katuparan ngayon. Bukod sa kasipagan ay taglay din talaga niya ang tibay ng loob sa mga larangan na gusto niyang pasukin tulad ngayon na isa na siyang ganap na movie producer ng Nathan Studios.
Madali na ngayon para kay Sylvia ang sumabak sa pagiging negosyante sa showbiz, dahil bilang artista naman ay napatunayan na niya ang kanyang kahusayan sa pamamagitan ng mga pelikula at teleserye na kanyang nagawa.
Ang pagiging movie producer ay malapit sa puso ni Sylvia, dahil ilang dekada na rin naman siya sa showbiz bilang artista, kaya noon pa man ay unti-unti na niyang pinag-aaralan ang sistema tungkol sa business na ito.
Napakasuwerte din ni Sylvia, dahil bilang movie producer ay suportado siya sa kanyang mga desisyon ng napakabait niyang husband at businessman din na si Mr. Art Atayde.
Hinangaan si Sylvia ng mga taga-showbiz noong December kung paano ang sistema niya bilang movie producer nang i-promote at ipalabas sa Metro Manila Film Festival ang pelikulang “Topakk” dahil bawat ganap at datalye sa promo ng movie ay siya ang humaharap at matagumpay niyang nagawa.
Pursigido ang Nathan Studios, Inc. Sila ang magre-release sa Pilipinas ng pambatang-aliw at pampamilyang pelikulang “Buffalo Kids” showing na this Wednesday February 12, in cinemas nationwide. Marami pa silang ipapalabas na mga pelikula. Abangan!

