
DALAWA ang kumpirmadong patay at walo pa ang naitalang sugatan kabilang ang isang limang taong gulang na musmos sanhi ng naganap na pagsabog sa isang maliit na fireworks shop sa isang mataong residential area sa Sitio Bocquig, Brgy Bacayao Norte,Dakbayan, Dagupan City kagabi sa araw ng kapaskuhan.
Bagama’t hindi pa malinaw kung ano talaga ang nangyari at pinagmulan ng naturang pagsabog ay medyo nakakaalarma at nakakatakot ang mga ganitong insidente lalo pa at nalalapit na ang pagdiriwang natin ng bagong taon.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa umano ng mga awtoridad kung ano ang tunay na pangyayari sa likod ng madugong pagsabog na ito.
Kapag ganitong malapit na ang bagong taon ay talagang ibayong pag-iingat dapat ang ginagawa ng mga taong ang hanapbuhay ay ang fireworks.
Hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi lalo’t higit ay sa kanilang kapwa na posibleng madamay sa kanilang mga ginagawa.
Hindi lamang pag-iingat sa kanilang mga factory kundi maging sa paggawa ng kanilang mga produkto dahil konting depekto lamang ng kanilang ginawang mga paputtok at fireworks ay posibleng maglagay sa panganib sa buhay ng ating mga kababayan.
Sa Bulacan na itinuturing na fireworks capital sa Pilipinas ay ibayong pag-iingat ang ipinaiiral bunsod na rin ng nalalapit na selebrasyon ng bagong taon kung saan ngayon pa lamang ay wala nang tulugan ang pagtitinda ng mga malalaking puwesto ng tindahan ng mga paputok sa lalawigan partikular sa Bocaue, Bulacan.
Ingat po tayo mga, kababayan.
Hindi lamang yung mga may-ari ng tindahan kundi pati na rin sa kanilang mga buyer.
Ingat sa pagbiyahe ng inyong mga pinamiling fireworks at mga paputok dahil hindi madaling magbitbit ng mga ganyang uri ng produkto.
Magdoble ingat po tayo dahil ang buhaya kapag nawala ay hindi na maibabalik.
Walang replay ika nga ang kamatayan.
Sa nalalapit na pagsalubong natin sa bagong taon sa paparating na taon na 2026 ay manalangin tayo sa ating panginoon na maging masagana at ligtas ang taong darating para sa ating lahat.
Maging mapayapa sana at maging maunlad ang Pilipinas sa taong darating.
Mag-ingat po ang lahat.
Masaganang bagong taon po sa lahat!!!!
