
HABANG tumatagal ay para tayong sumusubaybay sa isang teleserye na may kaugnayan sa mga kaganapan na nangyayari ngayon sa ating bansa.
Pagkatapos ng mga nakakagulat na pagbaha na naging sanhi upang mabulgar ang masangsang na kabulukan ng mga kawatan sa gobyerno at mga buwayang mga pulitiko at kontratista na isinasangkot sa big time na anomalya na sumaid sa kaban ng bayan…pagkatapos ng mga pekeng rally na ang isinisigaw ng mga raliyista ay hindi maunawaan kung ano ba talaga…pagkatapos ng mga pasabog ni dating congressman Zaldy Co na hindi pa matiyak kung alin ang totoo at alin ang hindi…pagkatapos ng magkakasunod na pagbibitiw ng ilang miyembro ng gabinete at iba pa…na hindi na malaman kung paano dedepensahan ng bobita nilang tagapagsalita…ano na nga kaya ang susunod na kabanata sa ating pinakaaabangang mga episode ng napakagalanteng komedyang ito.
Tsk tsk. Ang ilang magkakasunod na araw sa linggong ito ay may tatlong magkakaibang balita na naman na pumasok.
Ang una ay ang ipinataw na 60-day suspension ng Kamara kay Congressman Kiko Barzaga noong Lunes dahil umano ito sa kanyang hindi akmang behaviour bilang isang kongresista na tinampukan ng anila’y kanyang offensive at malisyosong social media posts.
Sinundan ito ng balitang may pumasok na namang LPA sa bansa na posibleng maging unang bagyo sa buwan ng Disyembre at ang pinakahuli ay mga nangyari kahapon kung saan pumutok ang balita na isa pang mataas na miyembro ng binuong Independent Commisssion for Infrastructure (ICI) na nag-iimbestiga sa kontrobersyal na flood control projects scandal ang nagbitiw sa kanyang puwesto sa katauhan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson.
Ayon sa pahayag ni ICI chairperson Justice Andres Reyes Jr., ang biglaang pagbibitiw ni Singson ay magiging epektibo sa darating na Disyembre 15, 2025 subalit posible pa rin na ma-extend naman hanggang Disyembre 30 ng taong ito.
Ayon kay Reyes, si Singson ay nagbitiw dahil umano sa health reasons at seguridad.
Idinagdag pa nito na masyado umanong mabigat at intense ang kanyang trabaho sa ICI at medyo hindi na akma sa kanyang kasalukuyang edad ang trabaho niya sa kasalukuyan.
Bagama’t may iba pang isyu na lumitaw kung bakit umano napilitan na magbitiw sa kanyang tungkulin sa ICI si Singson, nananatili na ang opisyal na pahayag na ito mula mismo sa ICI ang pa rin ang pinangingibabaw.
Okay, sa ating sariling opinyon, ang pagbibitiw na ito ni Singson bilang miyembro ng ICI ay malaking kawalan sa komisyon.
Isang mahusay at eksperyensadong public servant si Singson na may malalim na kaalaman tungkol sa mga kalakaran at sistema sa DPWH at malaki talaga ang kanyang maitutulong upang mapanagot ang mga tiwaling sangkot sa maanomalyang flood control projects na kanilang tinututukan.
Gayunman, sa totoo lang ay malaki ang magiging impact ng pagbibitiw niyang ito lalo na sa panig ng administrasyon na halos hindi na makahinga sa pagsalag sa sunud-sunod at walang tigil na pagbanat sa kanila ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan na uhaw na uhaw na sa paghihintay sa kung ano ang magiging resulta ng isinasagawa nilang pag-iimbestiga tungkol sa itinuturing na pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng bansa.
Whew…umuusok din ang bardagulan sa bahay ng ating mga kinatawan.
Bukod kay Cong Kiko Barzaga ay nagpakita rin kanilang kakaibang tindig ang lima pang kongresista upang salungatin ang anila’y hindi patas na pagtingin sa naging resulta ng ginawang pagsuspindi kay Cong. Meow Meow dahil lamang sa kakaibang pamamaraan nito ng pagtupad sa kanyang tungkulin bilang mambabatas at sa napaka-kakaibang style niya sa pagbanat sa nangyayaring korapsyon ngayon sa ating bansa.
Kumbakit kasi ang batang ito ay hindi lang ang mga korap sa labas ng kanilang institusyon ang inuupakan kundi maging ang mga kasamahan niya sa kongreso na sa tingin niya ay may pananagutan umano sa korapsyon na ito.
Pero tulad ng mga nakaraang bakbakan diyan sa kongreso…hindi ang makatwiran…hindi ang makatotohanan…hindi ang makataong hangarin ang mangibabaw kapag ang bilang ng nakakarami ay hindi papabor sa anumang isyu kahit pa nga nagagamit din naman minsan para sa kabutihan ang ganyang patakaran kundi lang naaabuso ng mga maykapangyarihan.
Tulad din sa Senado, kung alin ang papanigang isyu o desisyon ng higit na nakakaraming bilang ng mga mambabatas ay iyon ang mananaig at magwawagi sa huli.
Well, tulad ng lagi nating sinasabi, ang pulitika ay pulitika…pangit kang pumanig sa kung kanino dahil hindi ito makakabuti para sa sinoman…mabubwisit lang ang buhay mo. Ha ha ha.
Subali’t bilang pilipino na nagmamahal sa iyong bayan na nakakasilip ng mga kamaliang ang buong bansa at mamamayan ang nagiging biktima ng matinding kahihiyan sa buong mundo, kahirapan at patuloy na paglubog…tsk tsk tsk dapat ang lahat ay tumulong kung paanong masasagip ang bayan na ito sa dusa at itim.
MAHIYA NAMAN KAYO AT MAAWA SA MGA KABATAANG PILIPINO!!!
