
ANG taong 2025 ay super makulay at puno ng drama at aksyon…ng saya at mga kontrobersya…ng lungkot sa mga kababayan natin na naging mga biktima ng mapamuksang lindol at baha sa bahagi ng Kabisayaan at ibang mga lugar sa Mindanao at Luzon.
Pinakamatindi na ang naganap sa Cebu kung saan matapos na tamaan ng malakas na lindol ang ating mga kababayan ay sinundan pa ito ng nakakamatay na baha.
Habang ang lalawigan ng Bulacan na apektado ng baha kahit walang bagyo at ulan ay nananatili sa kanyang pagkakalubog dahil sa buwisit na pangungurakot sa pondong nararapat na gugulin sa kanilang sinaunang problema sa baha ay patuloy pa rin na umaasa at naghihintay na isang araw ay makakaahon din sila mula sa bangungot na parusa ng hindi imbitadong tubig sa kanilang mga lugar.
Bukod sa mga sakuna ng baha. lindol at landslides na kumitil ng buhay at sumira ng kanilang mga pinaghirapang ari-arian ay wala tayong pagpipilian kundi magselebra ng kapaskuhan at Bagong taon.
Ito ay sa kabila ng kalungkutan at pagkahaban sa ating mga kababayan na tinamaan ng mga kalamidad.
Bukod pa diyan, ang magkakasunod na sunog na nararanasan ngayon partikular sa Metro Manila at ilang mga lalawigan ay nakakabahala.
Nakapagtatakang christmas season pa lamang ay sunud-sunod na ang mga sunog na naganap sa ilang mga lungsod sa Metro Manila partikular sa Pasay, Quezon City, Mandaluyong at iba pa.
Ito ay sa kabila na ngayon pa lamang magsisimula ang selebrasyon para sa pagdiriwang ng bagong taon.
Tsk tsk Ingat po tayo.
Sa taong 2025 ay dito rin lalong sumiklab ang bakbakang pulitikal kung saan inumpisahan ito ng mga pagbanat tungkol sa sinasabing maanomalyang 2025 budget na tinuligsa ng mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.
Kasunod ng mainit na pagbabatuhan ng akusasyon ng magkabilang kampong pulitikal ay ang pagsisimula ng pagkakahati-hati ng mga pilipino ukol sa isyung pampulitika.
Ang mga maka-BBM ay naniniwalang malinis at walang bahid ng anomalya ang 2025 budget habang ang mga kaalyado ni VP Sara Dutrte at dating Pangulong Rodrigo Duterte ay buo ang paniniwala na puno ng katiwalian ang naturang ipinasang budget ng Kongreso na inaprubahan ng pangulo.
Naging kabi-kabila ang mga isinagawang kilos protesta.
Dumarami ang mga reklamo subalit patuloy na nagpapakita ng tatag at tibay ang liderato ni BBM.
Ang mga sumunod na pangyayari ay ang higit na nakakaalog na sa pamumuhay ng mga pilipino…patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at hindi na ito maawat.
Wala nang hindi dumadaing ng kahirapan…kahit may mga kaya sa buhay ay umaaray na sa taas ng halaga ng mga bilihin.
Ikinasa ang impeachment trial kontra VP Inday Sara na naging malaking isyu para sa kanyang mga kakampi at kalaban sa pulitika.
Ang social media ay parang biglang pinamugaran ng nakakahawang sakit na walang ibang naging laman kundi ang tungkol sa impeachment na kinalaunan ay napatunayang hindi naman naaaayon sa batas.
At sa gitna ng rambol sa pulitika ay sinundan ito ng ginawang pag-aresto kay dating Pang Duterte na inilipad sa The Hague Netherlands kung saan hanggang sa kasalukuyan ay nakapiit pa rin hanggang ngayon.
Isang malaking dagok hindi lamang sa administrasyon kundi maging sa lahat ng mga pilipino kung saan ay tila naisantabi ang kasarinlan ng ating bayan dahil sa pagsusuko sa isang kababayan natin na isang pilipino na may karapatang dito malitis sa ating bayan at hindi dapat na pinanghihimasukan.
At ang sumunod ay ang mga kalamidad na nagpadugo sa ating mga puso.
Mga baha at lindol na lalo pang nagbukas sa isipan ng mga pilipinong naging biktima nito.
Na ang dapat palang pondo na inilaan ng pamahalaan para sa mga ganitong problema sa halip na magugol ng tama ay hindi ginagastos at sa halip ay ninanakaw lamang ng mga buwayang pulitiko.
Dito lalong nag-ulol ang galit ng mga pilipino.
Sinundan pa ito ng pagkakatuklas ng pamahalaan tungkol sa mga anomalyang kahit ang demonyo ay mahihiya.
Bilyon at trilyon nakawan sa pamahalaan na talagang hindi na kayang sikmurain ng mga mamamayang pilipino na hindi na nakatiis at talagang nagsagawa na ng mga rally upang ipanawagan ang pagwawakas ng ganitong uri ng katiwalian.
At sumunod na ang isyu ng mga Discaya, ng mga BGC boys kasama sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at iba pa.
Ang mga pagdinig sa Senado na talaga namang nakakagulat at pagkatapos ay biglang inihinto…
Makulay…malupit…madugo at talagang puno ng aksyon at drama ang 2025…sa taong 2026, ano kaya ang naghihintay para sa ating bansa?
Magkaroon na kaya ng pagbabago?
Magkaroon na kaya ng katuparan ang nais ng lahat ng mga pinoy?
Na magkaroon ng mas maayos na pamahala at mas magandang kinabukasan para sa ekonomiya ng bansa…sapat na hanapbuhay…sapat na pagkain at mababang halaga ng mga bilihin…at higit sa lahat…KAPAYAPAAN!!!!
Sana naman ay maging mapayapa hindi lamang ang ating mga kalooban kundi maging ang kabuuan ng ating bansa.
Maligayang Bagong Taon po sa lahat!!!
