


WALANG pagsidlan sa hindi maipaliwanag na saya ang mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes, dahil sa naging mga papuri ng mga tao nitong huling mga araw na kumalat sa social media ang mga photos kung saan makikita ang hitsura ng kanilang anak na mistulang dalagita na at napakaganda ng mukha.
Nabigyang-diin pa nga sa papuri ng mga netizens, na hindi nakapagtatakang lumaking napakaganda ni Zia, dahil sa magandang kombinasyon nina Marian at Dingdong na maganda at guwapong mga iniidolo sa showbiz.
Napapangiti na lang si Marian sa pasukdol na papuri, na si Zia ang papalit sa kanya sa pagiging Reyna ng GMA-7. Dahil sa ngayon, ang tutok ng panahon nila ni Dingdong ay ang makapagtapos muna sa kanilang pag-aaral sina Zia at Sixto Dantes.
Dahil sa naging positibong dating ng naglabasang mga letrato ni Zia sa social media, ay muling nararamdamaman ni Marian ang pagkagulat, na hindi na talaga mapipigilan ang mabilis na paglaki ng magkapatid na Zia at Sixto.
Sobrang saya ng mag-asawang Marian at Dingdong sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, kaya ang wish nila noon ay huwag sanang magmadali na magsilakihan sina Zia at Sixto. Pero mabilis talaga lumipas ang mga araw, bagets na maganda’t guwapong pang-showbiz na ngayon ang hitsura ng kanilang mga anak.
KAILANGAN NGA BANG SAGIPIN NI KATHRYN BERNARDO ANG NAGHIHINGALONG MOVIE INDUSTRY?


DAHIL patuloy pang nararamdaman ang paghihingalo ng movie industry, at malaking patunay ang naging mahinang kinita ng katatapos na Metro Manila Film Festival 2025 at sa patuloy pang paghahanap ng solusyon para muling tangkilikin ng mga tao ang sine, ay inaabangan na rin ang muling paggawa ng pelikula ni Kathryn Bernardo.
Nagmarka naman kasi talaga sa showbiz ang malaking kinita ng mga huling pelikula ni Kathryn, at ang pinakahuling nanggulat sa takilya ay ang malaking kinita ng pelikulang “Hello, Love, Again” nila ni Alden Richards, kung saan nga muling pinarangalan ang Kapamilya star bilang Box-office Queen
Wala siyempre sa balikat ni Kathryn ang obligasyon na sagipin ang nanghihingalong industriya ng pelikula. Nakamata lang sa kanyang kasikatan ang mga sumasaludo sa kanya dahil sa ilang magkakasunod na taon na kumikita sa takilya ang kanyang mga pelikula.
Pinakasikat pa rin si Kathryn ngayon sa hanay ng mga kabataang artista. Pero ramdam na sa showbiz ang tagal ng kanyang pamamahinga. Ang kanyang “A Very Good Girl” ay malayo ang kinita sa huling movie nila ni Alden, na nagtala ng 1.4 billion pesos.
Tinitingnan din ang posibilidad kung puwede ulit ang patok na loveteam nina Kathryn at Daniel Padilla, pero paano maniniwala at kikiligin ang mga manonood kung si Kaila Estrada na ang bagong karelasyon ni DJ?
Nauna rito, isa sa mga plano para sa movie career ni Kathryn ay ang muli niyang pagbibida sa teleserye kung saan matagal na rin siyang kinasasabikang napanood ng kanyang mga tagahanga.

