
BUKOD sa puspusang paghahanda sa nalalapit na araw ng kapistahan ng Black Nazarene sa Enero 9, 2026 kung saan aabot sa 15,000 bilang ng kapulisan ang inaasahang ide-deploy sa araw ng pagdaraos ng Traslacion 2026 na bahagi ng pagdiriwang ng pista sa Quiapo, Maynila, target din ng National Capital Regional police Office (NCRPO) na mas paikliin ang mahabang oras ng prusisyon mula sa mahigit na 20 oras noong nakalipas na taon patungo sa 10 o hanggang 12 oras na lamang.
Sa isang panayam, sinabi ng Public Information Office Chief ng NCRPO na si Police Major Hazel Asilo na bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad at masusing mga paghahanda upang mapanatili ang kaayusan at mapayapang pagraos ng Traslacion sa taong ito ay nais din umano nila na mas pabilisin ang daloy ng prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand patungo sa Minor Basilica o sa Simbahan ng Quiapo.
Ayon kay Asilo, nais nilang maipasok nang mas maaga ang imahe sa loob ng simbahan at kung maari ay hindi na ito umabot pa ng mahigit 20 oras at sa halip ay mapababa na lamang mula sampu hanggang 12 oras.
Bagama’t iisang ruta pa rin naman ang tatahakin ng prusisyon tulad ng dinaanan noong Traslacion 2025 ay depende pa rin umano sa sitwasyon ang magiging aksyon ng mga kapulisan na naka-deploy at gayundin ng mga hijos na namamahala sa traslacion kung paano mas mapapabilis nila ang pagpasok ng andas sa loob ng simbahan.

