PAPALAPIT na ang pagtatapos ng taon at kapag ganitong mga panahon ay usung-uso na naman ang mga fireworks at mga paputok.
Tiyak na ang kasunod na mauuso pagkatapos niyan ay ang mga naputukan sa pagsalubong ng bagong taon na magkakasunod na isusugod sa ospital.
Nitong mga nakakaraang taon ay nabawasan na halos ang mga bumibili at gumagamit ng mga paputok bilang pagsalubong sa bagong taon.
Naghigpit kasi ang dating administrasyon tungkol sa paggamit nito lalo a yung mga malalakas na paputok na nagiging sanhi ng mga aksidente tuwing bagong taon.
Hindi lang mga sugatan na biktima ng mga paputok kundi maging ang mga kabi-kabilang sunog na bigla na lamang sumisiklab dulot ng nagkalat na mga paputok.
Bukod pa rito, natatakot na ang iba at hindi na rin nila ma-reach ang mataas na presyo ng mga fireworks at paputok ang isa pang malaking dahilan kung bakit ayaw na rin nila na bumili.
Subali’t kahit nariyan ang mga dahilan upang huwag tayong matukso na bumili at gumamit ng mga paputok, kasama na at tradisyon ng mga pinoy ang paggamit ng mga paputok at iba pang maiingay na bagay tuwing sumasapit ang bisperas ng bagong taon.
Kahit nga kulang na sa budget ng pagkain at iba pang pangangailangan ay pilit na isisingit ang pagbili ng paputok upang mairaos ang nakagawiang tradisyon.
Ganyan ang pinoy!
At walang masama rito kung natatapos ang pagsalubong natin ng bagong taon ng walang anumang aberya o problema.
Eh paano kung may mga nasusugatan tulad ng mga ama ng tahanan, mga kuya o kapatid natin na naghahanapbuhay at iba pang mga maaabala sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain kapag sila ay aksidenteng naputukan ng malakas na uri ng pampasabog na karaniwang ginagamit tuwing bagong taon.
Lahat tayo ay gustong salubungin ang taong 2025 ng masaya at puno ng bagong pag-asa.
Hangad natin ang maunlad, payapa at masayang bagong taon at sana ay maging masagana ang taong 2025…mabawasan na ang bangayan ng mga lider ng bansa, mabawasan na rin ang mga nangyayaring korapsyon sa bansa, nawa’y matauhan at mahiya naman ang mga kapalmuks na mga pulitiko sa LGU’s na walang ginagawa kundi pagnakawan ang kaban ng bayan.
Sa taong 2025 nga pala ay gaganapin din ang mid-term elections at inaasahan na naman natin ang matinding bakbakan, matinting suhulan at matinding vote buying na lagi nang kapartner ng eleksyon ditto sa ating bansa.
Ngayon pa nga lang ay nagkalat na ang tarpaulin ng mga kandidato na kahit saan lugar ay mabubungaran mo.
Hudyat na ang eleksyon ay nariyan na at nangangamoy kahit pa halos limang buwan pa bago ito maganap.
Matuto na sana tayo sa pamimili ng ating mga iboboto…ang ating piliin ay yung mga tunay na kinatawan ng ating bayan at hindi mga KAWATAN NG BAYAN!
Yung may malasakit sa bayan at hindi yung bulsa nila ang pinagmamalasakitan!
WAHAHAHA!
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po sa lahat!