
Bilang bahagi ng kampanya laban sa maling impormasyon, tiniyak ng Presidential Communications Office (PCO) na kanilang tututukan ang mga vlogger na nagpapakalat ng fake news laban sa administrasyon.
Ayon kay PCO Acting Secretary Jay Ruiz, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., paiigtingin ng ahensya ang paglaban sa disimpormasyon, lalo na sa mga iresponsableng vlogger na nagpapalaganap ng hindi beripikadong impormasyon.
“Dapat silang magsabi ng totoo at hindi basta maglabas ng kung anu-anong pahayag para lamang makakuha ng mas maraming viewership,” giit ni Ruiz.
Dagdag pa niya, dahil sa paglaganap ng walang basehang impormasyon, palalakasin ng PCO ang pampublikong impormasyon upang maiparating sa mamamayan ang katotohanan at masupil ang fake news.
Binanggit din ng kalihim na madalas natatabunan ang mga programa at inisyatiba ng administrasyon dahil sa mga maling balita at paninira ng ilang grupo.
“Kaya naman isa sa mga pangunahing tututukan ng PCO ang paglaban sa fake news upang maisulong ang katotohanan sa ilalim ng administrasyong Marcos,” pagtatapos ni Ruiz.