
HABANG ang korapsyon ay patuloy at mga nangungurap ay nariyan lamang at naghahawak pa rin ng mga puwesto sa gobyerno at walang nakukulong…walang nananagot na ‘totoong’ may kinalaman sa maituturing na pinakamalaking anomalya sa kasaysayan ng bansa, mananatili na ang mga pinoy…lahat ng mga pinoy ay damay sa kahihiyang ginawa ng mga pulitiko at butakal na mga mandurugas na trabahante ng gobyerno.
Basta pilipino mandarambong…yan ang unang maiisip ng mga dayuhan at mga iba’t ibang lahi sa buong mundo kapag sila ay may makakasalubong o makikita na mga pinoy sa kahit saang lupalop ng mundo.
Araw-araw na lang kasi mula pa noong nakaraang taon ay wala nang ibang balita na mababasa sa mga pahayagan, mga online websites, sa iba’t ibang mga platforms sa social media at maging sa mga telebisyon…mga balitang kurakutan at nakawan dito nakawan diyan ang ating matutunghayan.
Kahit may malaking pangyayari na kung tutuusin ay malalaking balita rin … tsk tsk saglit lang eeksena yan at balik ulit tayo sa isyu ng nakawan sa pondo ng bayan.
Kahit bata na musmos alam na ang balita tungkol sa nakawan sa gobyerno.
Kahit mga hindi nakapag-aral at ang hanapbuhay ay namimili ng biya at tulya sa tabing ilog alam na ang mga pulitiko kaya pala halos magpatayan pagdating ng halalan ay madali palang kumita ng limpak kapag ikaw ay naupo na sa puwesto.
Of course, matagal na namang alam ng lahat yan…pero itong pangyayaring ito…itong bukingan na nangyari na isa- isa nang naglalabasan ay talagang nakakagulat.
Maiisip natin na napakayaman pala ng Pilipinas.
Bakit ang mga pinoy ay halos wala nang makain gayong ang pera ay naroon lamang pala at parang bibingka na hinahati-hati lang ng mga mayayamang pulitiko.
Na tumakbo lamang pala sa posisyon sa gobyerno hindi para maglingkod at magtrabaho kundi mambola at magnakaw sa ating pondo.
At sa araw-araw na balitang may kinalaman sa kurakutan…hindi na rin iginagalang ng mga pinoy kahit ang mga namamatay na may kaugnayan dito.
Mula kay Cabral hanggang sa iba pang namamaalam sa mundo na may isyu tungkol sa flood control projects ay talagang minumura pa kahit tsugi na.
At ang pinakamatindi, buhay pa ay ipinananalangin nang mamamatay!
Tsk tsk ganyan katindi na ang galit ng mga mamamayan sa mga hayok na magnanakaw na ito ng kaban ng bayan.
At ano nga ba ang solusyon para matigil na ang mga pagnanakaw na ito?
Dapat na bang baguhin natin ang sistema ng ating gobyerno?
Dapat na bang sumubok tayo ng ibang form of government para wala nang mga senador at congressman na ngayon ay napag-iinitan dahil sa isyu ng korapsyon?
Ang 2025 national budget ang sinasabi ng ilang mga kritiko ng gobyerno at maging ng ilang mga mambabatas na pinaka-corrupt na budget sa kasaysayan ng bansa at ilang mga kawani na ng gobyerno ang nakulong at nasampahan na ng reklamo na may kinalaman sa sub-standard at ghost projects hindi lamang para sa taong 2025 kundi sa mga nakalipas din na taon.
At ang bansa ay muling nakaabang sa kung ano naman ang magiging isyu sa paparating na 2026 budget.
Kahit malabo pa sa kulay ng toyo…sana naman ay wala nang korapsyon na mangyari sa budget na ito.
Nakakahiya nang maging pilipino.
Puro na lang nakawan ang balita dito sa Pilipinas.
Wala namang magandang balita sa nakalipas na linggo kundi yung panalo ng Gilas Pilipinas women’s at men’s basketball sa SEA Games at ang pagwawagi ng first gold ng women’s football at mala-sirenang langoy ni Kyla Sanchez at mga kasama niya, hataw ni tennis ace star Alex Eala, atbp.
Tapos lahat ng balita wala nang kuwenta!
Sana ayusin naman ng gobyerno kung kaya pa pero kung hindi na talaga eh dapat hiwa-hiwalay na lang muna!
