
Isinampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong falsification at paglabag sa Anti-Dummy Law laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo at apat na miyembro ng kanyang pamilya.
Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, kabilang sa mga inireklamo ang mga magulang ni Guo na sina Jiang Zhong Guo at Lin Wenyi, pati na rin ang kanyang mga kapatid na sina Shiela at Siemen Guo.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa pagbili ng apat na parcels ng lupa para sa kanilang 3Lin-Q Farm na matatagpuan sa Mangatarem, Pangasinan. Sinabi ni Lavin na nagkunwari ang pamilya Guo bilang mga Pilipino, subalit napatunayan ng NBI na sila ay mga Chinese citizen.
Bukod pa rito, sinabi ni Lavin na ang pamilya Guo ay nahaharap din sa pitong kaso ng falsification dahil sa maling impormasyon na isinumite nila sa kanilang incorporation papers sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Dagdag pa rito, nakakuha ang NBI ng sertipikasyon mula sa isang barangay sa Bulacan na nagpapatunay na hindi kailanman nanirahan ang pamilya Guo sa kanilang lugar. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso upang maitaguyod ang hustisya at panagutin ang mga sangkot.