Nagbigay-babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na opisyal at residente ng Palawan at Basilan kaugnay ng posibleng panganib mula sa nakalalasong kemikal na dulot ng Long March 8A rocket launch ng China.
Ayon sa memorandum na inilabas ni Director Cesar Idio, Officer-in-Charge ng Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations, alinsunod sa direktiba ni NDRRMC Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, inatasan ang mga kaugnay na ahensiya na tiyaking ligtas ang mga residente sa mga apektadong coastal areas.
Batay sa ulat, magaganap ang rocket launch sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan bandang alas-5:53 ng hapon, at inaasahang magpapatuloy ito hanggang alas-6:42 ng gabi ngayong Sabado, Enero 25. Ang debris mula sa rocket ay posibleng bumagsak sa karagatan at mahigpit na ipinapaalala na huwag itong pupulutin dahil sa maaaring taglay nitong nakalalasong sangkap.
Tinukoy sa advisory ang mga sumusunod na lugar bilang drop zones ng debris:
• Drop Zone 1: 85 nautical miles mula sa Rozul (Iroquois) Reef sa West Philippine Sea, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
• Drop Zone 2: 40 nautical miles mula sa Puerto Princesa, Palawan.
• Drop Zone 3: 33 nautical miles mula sa Hadji Muhtamad, Basilan.
Nagbabala rin ang Philippine Space Agency (PhilSa) na ang debris mula sa rocket ay maaaring magtaglay ng toxic substances tulad ng rocket fuel, kaya mariing ipinapaalala sa publiko na huwag itong hawakan o pulutin.
Layunin ng babalang ito na masiguro ang kaligtasan ng publiko laban sa mga panganib na dulot ng nasabing rocket launch.