


IBANG espirito ang ipinamalas ng pinay tennis superstar na si Alexandra “Alex” Eala sa gitna ng mga nagbubunying kababayan at nagawang makabangon mula sa pagkalubog sa 0-4 sa set 3 upang kunin ang isang makapigil hiningang panalo kontra Aliaksandra Sasnovich ng Belarus, 2-6, 6-4, 7-6 (7-5) upang makuha ang isang quarterfinal slot sa WTA 500 Mubadali, Abu Dhabi Open ngayong Huwebes ng umaga.
Si Eala na bigong makabuwelo sa unang set kung saan naging napakabangis ng mga pag-atake ng Belarusian tennis player dagdag pa ang matutulis nitong serve na nagpahirap sa pinay upang makahabol at makabalik na nagpako sa kanyang 2 points na produksyon sa yugto.
Gayunman, sa ikalawang set kung saan kinakitaan ng kanilang pinakamahuhusay na palo ang magkaribal ay nagpakita ng kakaibang determinasyon at tibay si Eala na hindi bumitaw sa paulit-ulit na palitan ng kalamangan at deuce kung saan ay nagawa pa rin niyang malusutan si Sasnovich na biglang bumigay sa dulo ng set upang maitabla ng pinay ang laban.
Biglang uminit ang mga kamay ni Sasnovich sa pagsisimula ng third set at desidido ito na tapusin nang mas mabilis ang set upang magaang na kunin ang panalo matapos siyang kumawala sa 4-0 na agwat na nagpatahimik sa mga kababayan at fans ni Eala sa pakiramdam na malabo nang makabawi pa sa pagkakalubog ang crowd favorite na pinay.
Ilang ulit na nagkaroon ng pagkakataon si Sasnovich upang makuha ang panalo subali’t nanatiling nakakapit si Eala at nananatiling buhay ang dugo at tibay sa laban.
At tulad ng isang bato na unti-unting inuukit ng marahang bagsak ng patak ng ulan, dahan-dahang tinapyas ni Alex ang kalamangan hanggang makadikit sa 2-4 at muling naiwan sa 2-5 bago himalang nakatabla at nagawang makalamang pa sa 6-5 bago nahatak pa ni Sasnovich sa tie break ang laban.
Naging mahigpit ang pagpapalitan ng puntos sa tie break nina Eala at Sasnovich at sa puntong iyon ay higit na namayani ang pusong pinoy at tibay ng dibdib na naging susi sa maituturing na pinakamahirap na panalo ni Alex kumpara sa mga nakalipas na laban.
