

WATCH ME by JOJO PANALIGAN
Milestone year pala ngayong Pebrero ng ‘Nina Live!’ album na inilabas noong 2005 at naging isa sa pinakamabentang OPM albums of all time, sa liga nila Jose Mari Chan at Eraserheads.
Ipinaalala ito ni Nina sa concert niya kagabi na ‘Love Matters’ na ginanap sa New Frontier Theater. Matapos ay inawit niya ang ilan sa mga pinakasikat na cover versions niya dito tulad ng ‘Through The Fire’, ‘I Love You, Goodbye’, at ‘Love Moves In Mysterious Ways’.
Siyempre, inabangan ng audience kung kaya pa din ni Nina abutin ang mga matataas na nota. At yun nga, hanggang ngayon ay wala pa ring mintis si Nina na minani-mani pa ang whistling technique na nagpasikat kay Mariah Carey.
Nga pala, sa benta ng ‘Nina Live!’ ibinase ang title ng singer na Asia’s Diamond Soul Siren. Nagkamit kasi ang album ng Diamond Award dahil nakahigit 10 times platinum award ito noong panahong ang labanan pa ay ang dami ng benta ng CDs at cassette (at hindi online streaming).
Mas prestihiyoso ito kung tutuusin dahil ang isang CD dati ay nagkakahalaga na ng mahigit 300 pesos. Mas mahal ito di hamak sa subscription ng streaming platforms tulad ng Spotify, na for less than 200 pesos ay mapapakinggan mo na ang milyong kanta ng mga artists na gusto mo, worldwide. Partida, ang comparison na yan ay not counting inflation pa, ha!
At hindi din natin pwedeng taas-taasan ng kilay si Nina porket sa mga cover songs siya kumita ng husto. Tandaan na sa galing ng mga artists natin ay masasabi na ding halos art form ang pag gawa ng versions nila because they really own the songs.
One example ay ang ‘I Don’t Wanna Miss A Thing’ ni Regine Velasquez. Another is ‘Rise Up’ ni Morissette. Andyan din ang ‘One Day’ ni Bugoy Drilon at ‘The Promise’ ni Martin Nievera.
Sa galing ng mga versions nila ay maging original artists ng mga ito ay napahanga nila. At sa karaoke o singing contests ay yung pagkakaawit na nila ang ginagaya ng karamihan at hindi na ng original singers!
May isa ngang hit si Nina na maraming Pinoy ang di nakakaalam ay cover version lang. Ito ay ang ‘I Don’t Wanna Be Your Friend’ na unang ni-record ni Cyndi Lauper. Ganyan kagaling si Nina!
Oist, may mga original hits din naman si Nina gaya ng ‘Someday’ at ‘Jealous’ kaya dapat tigil-tigilan na siya ng mga fans ni….haha, wala akong sinabi.
Anyway kung may gusto kaming mas marinig kay Nina in future shows, ito ay ang covers niya ng Broadway songs. Sinampolan niya kasi kami ng Broadway medley sa ‘Love Matters’ at talaga namang pak na pak ang kanyang ‘Defying Gravity’, lalo yung dulo na baka mismong si Cynthia Erivo ay mapa ‘Sana all!’ (at talagang napa-Tagalog, haha) sa galing ni Nina.
Naikwento sa amin ni Nina last month ma maglalabas na siya ng bagong kanta this year kaya naman aligaga na ang mga fans ngayon pa lang. Yun na!