
Pinaalalahanan ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang publiko na maging maingat at mapanuri sa pagbili ng karne ng baka at baboy na ihahanda para sa holiday season.
Ayon sa NMIS, dahil marami ang maghahanda ng mga putahe mula sa karne ngayong Pasko, mahalagang tiyakin na ito’y ligtas mula sa anumang sakit at nakakapinsalang kontaminasyon.
Sa gitna ng pagdagsa ng mga mamimili sa palengke, posibleng dumami rin ang supply ng baboy sa merkado. Dahil dito, binigyang-diin ng NMIS ang kahalagahan ng pagsunod sa mataas na pamantayan ng kaligtasan at kalidad sa pagbili ng karne.
Ayon pa sa ahensya, kailangang dumaan sa inspeksyon ang karne upang matiyak na ito’y angkop para sa human consumption. Dapat din malaman ng mga mamimili kung ang karne ay nagmula sa mga NMIS-accredited na meat establishment.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ng NMIS ang wastong hygienic handling upang maiwasan ang kontaminasyon. Halimbawa nito ang paggamit ng mga NMIS-accredited na sasakyan para mapanatili ang tamang temperatura at kaligtasan ng produkto.
Payo ng NMIS, siguruhing sariwa, ligtas, at walang nakakapinsalang pathogen ang anumang karneng ihahanda ngayong Kapaskuhan.