


Kamakailan lang ay tinanghal na Joe Quirino Awardee sa ika-8 edisyon ng Eddys ang talent manager turned vlogger na si Ogie Diaz.
Ang nasabing award ay isa sa pinakamataas na karangalan na ipinagkaloob ng Society of Philippine Entertainment Editors(SPEEd) sa larangan ng entertainment journalism.
Bago pa man kinilala bilang isa sa tinitingalang institusyon sa pamamahayag, nagsimula siya bilang PA ng beteranang showbiz journalist na si Cristy Fermin hanggang maging entertainment reporter.
Isa rin siyang TV at radio host, comedian at aktor na hindi malilimutan sa naging pagganap bilang Pekto sa long-running sitcom na Palibhasa Lalake at iba pang serye ng ABS-CBN.
Siya rin ang dating talent manager nina Liza Soberano at Vice Ganda.
Sa kasalukuyan, host din siya ng matagumpay na online show na “Showbiz Update” kasama sina Mama Loi Villarama, Tita Mrena at Tita Jegs.
Kinapupulutan naman ng inspirasyon ang kanyang Ogie Inspires.
Pero sa lahat ng ito, si Ogie na strong ally ng LGBTQA+ community ay isang butihing ama.
Katunayan, naitaguyod niya ang pag-aaral ng kanyang limang anak sa sariling pagsisikap.
Sa aming panayam, nagbahagi siya ng pananaw hinggil sa pagpapalaki ng kanyang mga anak na may kaugnayan sa isyung pinapaksa sa pelikulang “How To Get Away from My Toxic Family” na kanyang iprinudyus.
Aniya, ayaw daw niyang umasa sa kanyang mga anak kaya patuloy siyang nagsisikhay.
“Ako, meron na akong limang anak. So, dahil sa mga nababasa kong hanash o rant ng GenZers tungkol sa isyu nina Carlos at Erika Yulo, Jake Zyrus at Mommy Raquel. Sabi ko sa sarili ko:mag-iipon ako. Para pagdating ng araw, di ko kailangang magsabi na kaya may anak ako para mag-akay sa akin, “aniya.”Importanteng may ipon ka kapag tumatanda ka. Para iyong mga anak mo, may sarili silang buhay, napag-aral mo sila, napagtapos mo sila. So di ba, pasaporte nila iyon para maging independent sila at gumawa sila ng sariling pamilya. Basta ako, mag-iipon ako,” pahabol niya.
Gayunpaman, naniniwala siyang hindi kailanman natatapos ang role niya bilang magulang sa kanyang mga anak.
” Ngayon pag sila’y nakisama, nakipag-live in, nagpakasal. Pag ayaw na nila sa dyowa nila. Inanakan sila o iniwan sila.Di balik sila sa akin. Dalawang kamay ko silang sasaluhin,” bulalas niya.
Si Ogie ay isa ring movie producer sa likod ng mga pelikulang “Dyagwar:Havey o Waley” (2011) at “Two Love You (2019).
Ang” How To Get Away from My Toxic Family” ay pagbabalik niya sa larangan ng film production.
Base sa kanyang orihinal na konsepto, nakaka-relate si Ogie sa kuwento ni Arsenio, dahil bago pa man siya naging asawa at ama ay isa siyang anak at kapatid.
Tulad ni Arsenio, naging breadwinner din ng pamilya si Ogie.
Ayon pa sa Joe Quirino Lifetime Memorial Awardee, naengganyo siyang magprodyus muli ng pelikula dahil na-inspire siya sa box office success ng Thai movie na “How To Make Millions Before Grandma Dies” na tinangkilik ng balana dahil sa “word of mouth.”
“I believe meron kaming magandang kuwento na hindi lang relatable kundi mag-iiwan ng lesson at makakaapekto sa buhay ng tao. Iyon ang gusto naming i-impart. Na iyong paglabas mo ng sinehan ay di pa rin tapos ang diskusyon sa movie at kapulutan ng aral,”pagtatapos niya.
Ang pelikula na sumasalamin sa reyalidad ng buhay ng Pinoy ay tumatalakay sa kuwento ng isang breadwinner na OFW na nahaharap sa hamon kung paano tatakasan ang kanyang toxic family.
Tipikal na pinapaksa rito ang mga isyung tulad ng close family ties, sibling rivalry, favoritism, utang na loob at responsibilidad o obligasyon ng magulang sa anak at vice versa.
Mula sa produksyon ni Ogie Diaz ng OgieD Productions, Inc. at ng KreativDen at sa direksyon ni Law Fajardo mula sa iskrip ni John Bedia, pinagbibidahan ito ni Zanjoe Marudo.
Tampok din sa cast sina Susan Africa, Richard Quan, Nonie Buencamino, Kim Rodriguez, Sherry Lara, Juharra Asayo, Keena Pineda, Lesley Lina, Gab Yabut at Migo Manikan.
Mapapanood na ang pelikulang inaasahang maging bukambibig sa lahat ng SM Cinemas sa buong bansa simula sa Hulyo 30.
