
DINOMINA ng Oklahoma City Thunder ang Game 2 at pinatikim ng kanilang bangis ang Indiana Pacers, 123-107 para maitabla ang kanilang best-of-seven championship series ng NBA , 1-1 sa harap ng mga nagdiriwang na OKC fans sa Ford Center sa Oklahoma.
Tulad ng inaasahan, pinangunahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma sa kanyang naitalang 34 points at pinamunuan din ang napakahigpit na depensang inilatag nila kontra Pacers kung saan napakababang 38.7% na shooting lamang ang naipukol ng Indiana sa loob ng unang tatlong quarters.
Isa sa naging malaking susi sa panalo ng OKC ang ginawa nilang paggapos kay Tyrese Haliburton na siyang tumira ng game-winning shot sa Game 1 na nakapagtala lamang ng 5 points sa unang tatlong quarter ng Game 2.
Ang Oklahoma ay naging mas maingat at mas sigurado sa kanilang naging galawan kung saan sa tuwing dumidikit at nakakahabol ang Indiana ay agad silang gumaganti ng magkakasunod na puntos upang pigilan ang kabilang panig.
Naitala ang 23 points na kalamangan ng OKC sa second quarter mahigit apat na minuto pa ang nalalabi sa first half.
Katunayan, ang Pacers ay gumagawa ng mga magkakasunod na puntos sa third quarter ngunit hindi rin ito umubra dahil mabilis silang sinasagot ng mga puntos ng tropa ni SGA.