


HINIHINTAY na ang buweltang sagot ni Coco Martin sa kontrobersiyang lalo pang umiinit ngayon, na naging pasabog ni Rod Navarro, Jr. Ang isyu ay nag-ugat nang mapasama ang anak ng yumaong komedyante at sikat na radio broadcaster na si Rod Navarro, Sr. sa teleseryeng “Batang Quiapo” ng ABS-CBN.
Naging parte si Rod ng teleserye, dahil sa simula ay lumapit umano siya nang personal kay Coco para mapasali sa serye, dahil ang Primetime King din ang producer at director nito.
Sa dami ng natulungan ni Coco na mga artistang nangangailangan ng trabaho na isinali niya sa teleserye, na mga walang katapusang tumatanaw ng pasasalamat at utang na loob sa kanya, ay hayun at napakahaba ng pinakakawalang pahayag ni Rod Navarro, Jr. tungkol sa hindi tamang pagtrato na naranasan niya diumano nu’ng kasali pa siya sa teleserye.
Si Coco talaga ang unang direktang pinatutungkulan ni Rod ng kanyang mga reklamo. Dahil dito ay maraming nakasama na ni Coco ang nagtatanggol sa bida ng teleserye sa tagal ng panahon ng pakikisama at trato nito sa kanila. Ilan din ang pahapyaw na nagsasabing napakaistrikto umano ni Coco sa kanyang pamamalakad sa serye.
Sa pagpapatuloy ng kontrobersiyang ito, ay tama lang muna ang ginagawang pananahimik ni Coco habang ang kabilang kampo ay patuloy pang nagpapakawala ng maiinit na pahayag. Kaugnay nito, buhos na sa dami ang kapwa mga artistang nagtatanggol kay Coco dahil sa intrigang pinasabog ni Rod Navarro, Jr.

