
YES mga suki, maari nang makabili ng isang kilong bigas na nagkakahalaga lamang ng P20 sa kahit saang bahagi ng ating bansa.
Ito ang inilabas na pahayag ng Department of Agriculture sa pamamagitan ni DA asst. Secretary Genevieve Guevarra kung saan ay sinabi nito na bente pesos na halaga ng kada kilo ng bigas ay maari nang mabili sa 82 probinsiya sa ating bansa.
Ang naturang anunsyo ni Asec. Guevarra ay isinagawa kasabay sa paglulunsad ng programa ng DA na Benteng Bigas Meron Na program sa Maguindanao del Norte na pinakadulong lalawigan sa buong bansa.
Ayon kay Asec. Guevarra, layunin ng programa na maiangat ang kabuhayan ng bawat pilipino at kasabay nito ay mapalakas din ang produksyon upang masiguro na ang lahat ay makikinabang sa nailunsad na programa.
Tsk Tsk…siguro naman ay makakabawas na kahit paano sa ating budget ang mataas na halaga ng bigas na ating binibili sa mga palengke
At kahit paano ay mayroon din tayong narinig na positibong balita bago matapos ang taon.
Pero ang tanong naman diyan ay anong klaseng bigas naman kaya itong P20 kada kilo ang presyo?
Baka naman gaya rin ito nung mga una nang ibenenta na mumurahing bigas pero halos hindi naman makain ng mga tao.
Ang kantiyaw pa nga ng mga makukulit eh para daw namang pagkain ng baboy ang mumurahing bigas dahil bukod sa maitim ay masama rin ang amoy.
Hmmmn malalaman natin yan kapag nagsimula nang mabili ang nabanggit na bigas sa mga iba’t ibang palengke sa ating bansa.
Siyempre, hihintayin natin ang mga komento at feedback nito sa publiko.
Kung ito ba ay okey o sablay na naman.
Inilunsad umano ang programang ito sa 429 na iba’t ibang mga lugar kung saan ay inaasahan na pakikinabangan ito ng may 15 milyon na mga tahanan hanggang sa susunod na taon.
Hays sige hihintayin natin at kapag maayos ang bigas na ‘yan ay bibili agad ako ng limang sako…limang sako na paglalagyan ko ng buhangin dahil may ipinapasemento ako sa likod-bahay…hindi po bigas!
Isang sako lamang po ang susubukan natin…
oooo0000000oooooooo00000
Humirit naman ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Interpol o International Criminal Police Organization para sa pag-iisyu ng red notice laban kay dating Ako Bicol partylist Representative Zaldy Co.
Ayon sa spokesperson ng NBI na si Mr. Palmer Mallari ay nagpadala na umano sila ng request for inclusion sa red notice para kay Co noon pang November 23, 2025 at kasalukuyan umanong sinusuri na ng Interpol ang naturang kahilingan nila.
Tsk tsk ito ay matapos na ideklara ng Sandiganbayan na si Co ay isa na ngayong fugitive from justice kasabay ng pagkansela sa kanyang pasaporte kaugnay ng kasong graft at malversation sa maanomalyang P289 milyon na substandard dike project sa Oriental Mindoro.
Una nang napabalita na si Co ay natunugan na nasa Portugal at naghahawak ng Portuguese passport gayunman ay wala pa ring malinaw kung nasaan na talaga siya sa kasalukuyan.
Kamakailan ay naglabas ng warrant of arrest laban sa mga kasangkot sa malawakang flood control projects scam kung saan isa si Co sa mga sinampahan ng kaso kasama ang iba pang mga mambabatas, matatas na opisyal ng DPWH at mga big time na kontratista na umano’y may kinalaman sa bilyun-bilyong anomalya.
Kung kailan matutukoy ang pinagtataguan ni Co at kung kailan siya maaaresto ay ang siyang aabangan ng publiko na sabik na sabik na rin na maiuwi siya dito sa Pilipinas para personal niyang harapin ang mga ibinibintang sa kanya at gayundin malaman kung may katotohanan naman ang kanyang mga ibinibintang sa mga isinasangkot niya na ilang matataas na opisyal sa ating pamahalaan.
