Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Health (DOH) na alisin din ang paggamit ng purchase booklet para sa mga Persons With Disabilities (PWDs) na nag-a-avail ng 20% discount sa pagbili ng gamot.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2024-0017 na nilagdaan ni Health Secretary Teodoro Herbosa, tuluyan nang inalis ang purchase booklet ng mga senior citizens. Sa halip, sapat nang ipakita ang valid ID at reseta ng doktor upang makuha ang discount sa mga gamot.
Ayon kay Ordanes, madalas na nakakalimutan ng mga senior citizens ang kanilang purchase booklet, kaya nagiging hadlang ito sa pag-avail ng diskwento.
Bilang chairman ng House Committee on Senior Citizens, binigyang-diin niya na kung nagawang alisin ang purchase booklet ng mga senior citizens, magiging magandang pamasko rin kung isasama sa patakarang ito ang mga PWDs.
“Salamat sa aksyon ng DOH para sa mga senior citizens, pero sana ay isama na rin ang mga PWDs dahil pareho rin nilang kailangan ang discount sa mga gamot at medical devices. Hindi na kailangan ang booklet,” ani Ordanes.
Matatandaang ang komite ni Ordanes ay nagsagawa ng mga pagdinig upang hilingin sa DOH na alisin ang purchase booklet para sa senior citizens, basta’t may valid ID at reseta ang mga ito bilang pangunahing requirement sa pagbili ng gamot.