Inaprubahan na ng House Committee on Children’s Welfare ang House Bill 8987, o ang “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof,” na inihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo.
Sa pasasalamat ni Tulfo, sinabi niyang isang mahalagang hakbang ang pagpasa ng panukala upang matiyak ang proteksyon ng karapatan ng mga bata sa suporta mula sa kanilang mga magulang. Ang panukala ay kasalukuyang nasa Committee on Appropriations upang pag-aralan ang kinakailangang pondo para sa pagtatatag ng isang opisina sa DSWD. Ang nasabing tanggapan ang magiging responsable sa implementasyon ng bagong batas, kabilang ang pagtukoy sa tamang halaga ng suporta batay sa pangangailangan ng bata. Sa prosesong ito, makikipagtulungan ang DSWD sa NEDA upang tiyakin ang patas at makatarungang alokasyon ng suporta. Itinatakda ng panukala ang parusang hanggang anim na taong pagkakulong sa mga tatay na tumangging magsustento sa kanilang mga anak, lalo na kung iniwan na nila ang pamilya.
“Kailangan na natin ng batas na ito upang mapanagot ang mga tatay na hindi tumutupad sa kanilang responsibilidad. Hindi dapat magdusa ang mga bata dahil sa kapabayaan ng kanilang mga magulang,” ayon kay Tulfo.
Bukod kay Tulfo, kabilang din sa mga nag-akda ng panukala sina ACT-CIS Partylist Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, Benguet Cong. Eric Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo. Inihain ang panukalang batas noong Agosto 2023 bilang tugon sa lumalaking bilang ng mga kasong nauugnay sa hindi pagbibigay ng suporta sa mga anak, na isang matagal nang suliraning panlipunan sa bansa.