
DAMI na namang kulay ng mga ilaw pagkagat ng dilim…malamig ang hangin at pinupuno ng mga himig na pamasko ang ating malls at iba’t ibang mga lugar pasyalan.
At sino nga ba ang makakapigil sa papapalapit na pagsapit ng kapaskuhan?
Sa gitna ng masyadong toxic na mga kung anu-anong mga posts sa social media na may kinalaman sa korapsyon, sa mga isyu ng dayaan sa paparating na SEA Games, mga naghihiwalay na mga mag-jowa, mga isyung salapi na tulad ng 500 pesos na noche buena…at kung anu-ano pa…mas masarap pa rin na hintayin ang pagsapit ng simbang gabi.
Ibang pakiramdam…ibang katahimikan at kapayapaan sa loob ng mga simbahan at matamis at mabangong amoy na malalanghap paglabas kung saan amoy ng puto bumbong at bibingka ang sasalubong sa atin.
Sa ganitong mga panahon…mapipilitan kang sariwain kung ano ang mga nakaraang saya na madalas mong pinalalampas kasama ang iyong mga mahal sa buhay.
Mga anak mo at iba pang miyembro ng pamilya na taun-taon ay iba’t iba na ang mga gusto at pangangailangan.
At habang nadaragdagan ang taon sa iyong edad at gayundin sa kanila…bawat yugto niyan ay may naiiwan na magagandang alaala na bigla na lang magpapangiti sa iyo kahit nag-iisa.
Nitong mga nakalipas na mga ilang taon ay iba na ang madalas nating mga nakikita na nagiging kaugalian sa mga iba’t ibang lungsod at bayan.
Pagandahan at pabonggahan na po sila ng mga naglalakihan at naggagandahang Christamas Tree sa harap ng kanilang mga munisipyo.
Instant pasyalan tuloy ang nagiging papel nito sa ating mga kababayan.
Kaya bukod sa simbang gabi ay pinasasaya nito ang kapaligiran na nagdadagdag ng ng konting saya at kapayapaan sa ating mga kababayan.
Ang mga Tyanggehan at Night Market ay para na namang mga kabute na nagsusulputan.
Mga mura at naggagandahang mga produkto tulad ng mga damit, kagamitan sa bahay at iba pang mga appliances na talagang mang-aakit na buksan ninyo ang inyong bag, wallet at bulsa.
Kung madalas ninyo na naririnig ngayon na iba na ang panahon ngayon at iba na rin ang paraan ng pagseselebra ng holiday seasons at hindi na tulad noong mga nakalipas na dalawang dekada…tama po kayo subali’t ang espiritu ng pagmamahalan at pagsasaya ay laging naririyan.
Hindi mawawala…hindi mabubura.
Kapag ganitong magpapasko ay marami naman ang laging pabor para sa mga mamamayan…may mga paraan ang MMDA at Metro Manila Council (MMC) para maibsan ang pagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa buong Metro Manila…nagkalat din ang kapulisan sa mga matataong lugar upang proteksyunan ang mga mamamayan laban sa mga masasamang elemento na posibleng manamantala sa kanila sa panahong tulad nito.
At higit sa lahat…ang panahon ng kapaskuhan ay panahon kung saan ang lahat ng tao…mahirap man o may pera ay nagiging mayaman.
Mayaman sa pagmamahal, kasiyahan at pagsasama-sama.
Maligayang Kapaskuhan sa lahat!
