

WINAKASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang ispekulasyon tungkol sa tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan na halos ilang araw ding pinagpistahan sa iba’t ibang social media platforms kung saan bukod sa mga balitang malala na ang kanyang sakit at mga iba’t ibang hula sa kung ano ba talaga ang nangyari sa pangulo at nasaan na ang pinuno ng bansa sa gitna ng krisis ay pinawi sa kanyang biglang pagsulpot sa press briefing sa palasyo kanina.
Malakas at patawa-tawa lang si Marcos Jr at nagpamalas pa ng ilang jumping jacks at naghamon pa nga na sumama aniya sa kanya sa gym ang mga kritiko niya na nagsasabing siya ay may malubha nang sakit at masama na ang kalagayan ng kalusugan.
“I challenge anyone who is saying that I am sick, that they come and exercise with me… tingnan natin kung sino ang mas malakas magbuhat ng weight. Yung mga taong ‘yan na nagsabi sa inyong may sakit ako, na baldado na ako…ngayon alam ninyo puro sinungaling ‘yang mga ‘yan, ” pahayag niya sa harap ng mga mamamahayag.
Matatandaan na halos isang linggo nang laging laman ng iba’t ibang mga youtube channel, mga content ng ilang mga vloggers ang tungkol sa hindi paglitaw ng pangulo sa nakalipas na mga araw at kasama rin sa napagsuspetsahan ang mga inilalabas umano ng mainstream media na mga video na sinasabing mga recycled umano o lumang mga video na para lamang ipakita na buhay at malakas na malakas ang pangulo.
Dahil dito ay natapos na rin ang mga hinala na si Executive Secretray Ralph Recto na umano ang nagpapatakbo ng gobyerno dahil hindi nga nagpapakita sa mga tao ang pangulo.
