UMABOT na sa mahigit isang milyon katao ang dumalo upang makiisa sa National Rally For Peace na pinangunahan ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand ngayong araw na ito, Enero 13, 2025.
Halos wala pang alas-12 ng tanghali ay nasa 1.2 milyon katao na ang tinatantiya ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dahil sa kapal ng dumagsang tao ay lalo pang pinaigting ang pag-alalay sa mga nagsidalo sa pamamagitan ng paglalagay ng sapat pangangailangan ng mga tao partikular ang tungkol sa mga comfort rooms at pagbibigay ng maayos na responde at tulong kung kinakailangan.
Ang National Rally for Peace ay isinagawa upang pansamantalang maawat ang umiinit na sigalot sa pagitan ng mga lider, mga pulitiko at iba pang mga personalidad na nagkakahati-hati ng opinyon, paniniwala at grupo na nagiging dahilan ng pagkakahiwa-hiwalay ng saloobin at paniniwala ng mga pilipino na hindi umano makakatulong sa pag-unlad ng bansa kundi posibleng maglubog pa lalo sa Pilipinas sa kahirapan.
Layunin ng Rally na bigyan puwang ang kapayapaan at pagkakaisa ng sambayanan tungo sa mas maaayos at maunlad na bansa.
Bagama’t inaasahan na may mga dadalo rito na mga pulitiko at mga personalidad ay itinatagubilin naman at ipinaaalala sa lahat na ang pagtitipon na ito ay hindi dapat na mahaluan ng pulitika.
” Sana igalang po natin, it is a highly religious event. Ito po ay isang pagsasama-sama para sa pananampalataya at pagkakaisa ng sambayanan. Tayo po ay sumusuporta sa adhikain ng mga kapatid natin sa iglesia,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.
” Kaya lang po, yun ilang pulitiko, lalo na yun mga hindi inimbitahan na sila ay dapat makapunta doon ay sana naman po huwag magsamantala sapagkat hindi magiging maganda ang tingin ng lahat sa mga umaabuso na ganyan. Huwag lang po tayo magpaka-epalitiko.”